"We want to create the habit, which the PBA deserves," paliwanag ni Bobby Barreiro, isang beterano sa telebisyon na siyang namumuno ng proyekto para sa ABC. "We believe that the PBA is a very viable product."
"This is a partnership of two groups, two entities that are in transition," dagdag ni PBA Com. Noli Eala. "But we are both very aggressive in our individual industries."
"We are preparing to go into battle with the two majors," sabi ni ABC 5 CEO Tonyboy Cojuangco, na tinutukoy ang ABS-CBN at GMA. "And when the smoke clears, we intend to be on top."
Ayon kay Cojuangco, 20% ng kanilang programming ay para sa sports, habang ang 80% ay paghahatian ng entertainment at news and current affairs. Nang pagplanuhan nila ito, nakita nila na ang basketbol pa rin ang malapit sa puso ng Pilipino.
Isa pang balak ng ABC 5 ay ipalabas ang mga laro ng PBA sa ibang bansa. Kausap nila ang isa sa pinakamalaking carrier ng satellite programming sa buong mundo. Kasalukuyang may kasunduan ang PBA sa ABS-CBN para ilabas ang mga laro nito sa isang affiliate ng The Filipino Channel. Kung sakali man, magiging hiwalay na kasunduan ito sa pagitan ng ABC 5 at PBA.
Nang tanungin ang mga pinuno ng network kung anong mga pagbabagong teknolohikal ang ipagmamalaki nila sa pagbukas ng liga sa ika-22 ng Pebrero, ang sagot lamang nila ay marami, subalit ang higit na mahalaga ay ang mga kuwentong nasasaloob ng bawat laro. Nais nilang mas makilala ang mga player ng mga fans, isang bagay na nawala noong panahon ng Viva-Vintage.
Natutunan na ng PBA na hindi salapi ang mahalaga sa ganitong usapin. Nasa korte na ang kaso ng Summit Sports World at NBN, kayat nakapako ang lahat ng utang ng network, at walang makakasingil pansamantala. Nakita ng PBA na ang mahalaga ay ang isang partner na nakakaintindi ng mga pangangailangan ng liga, at handang gawin ang lahat para lalong gumanda ang produkto.
At hindi ba iyan din ang nais ng lahat?