China mang-aagaw ng eksena sa larangan ng boxing

Determinado ang China, ang superpower sa sports sa Asya na magpakitang-gilas sa 22nd Asian Olympic Boxing qualifying na nagsimula kahapon sa Puerto Princesa City Coliseum sa Palawan.

Sa kanilang kampanyang magnakaw ng eksena mula sa mga traditional powers sa Asian boxing, lalahok ang China sa 11 weight divisions na paglalabanan sa event na kinokonsiderang pinakamalaking pagsasama-sama ng pangunahing boxers sa Asya.

"Make no mistake about it, the Chinese team is going to give the favorites a lot of headaches. China has improved a lot," ani ABAP president Manny Lopez.

Ang China na katulad ng world-class Kazakhstan ay nasa malalim na pagsasanay sa Puerto Princesa. Nasa nabanggit na probinsiya din ang Qatar, Uzbekistan, dalawang Korean team, Japan, Tajikistan, India, Chinese-Taipei at Thailand, ang mahigpit na kalaban ng Philippines sa Southeast Asian Games.

Habang handa na ang bansa sa pagsalubong sa pinakamalaking event na ito, sinabi ni Lopez na hinihintay pa rin nila ang pagdating ng Afghanistan at Iran, ang dalawang team na nagkumpirma ng kanilang paglahok.

May kabuuang 24 slots para sa Athens Olympics ang nakataya sa qualifying na ang susunod na host ay ang China at Pakistan. May kabuuang 62 boxers ang kakatawan sa Asya sa Athens Olympics.

Ang China ay pangungunahan ni lightflyweight Zou Shiming, ang yumanig sa international boxing world nang sa kanyang unang pagsabak ay agad nakakuha ng bronze medal sa nakaraang taong World Championships sa Bangkok.

Ang iba pang kasama sa lineup ng China ay sina flyweight Liu Shih-Jung, bantamweight Yseng Tzu Chiang, featherweight Chung Chun Un, lightweight Hsieh Huang Chen, lightwelterweight  Chang Hsiao-Chih, welterweight Liu Tai Chin, middleweight Liu Yen Chun, heavyweight Liu Chia Fu, at super heavyweight Liao Sheng Hao.

Show comments