Bukod sa nakatakdang pag-upo ni American John Moran bilang coach, naghahanap rin ng malaking tao ang Shell sa pag-alok ng kanilang No. 1 pick sa 2004 PBA Draft sa Enero 16.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source, nakikipag-usap ang Shell sa Red Bull Barako at Coca-Cola Tigers sa kanilang pagnanais na ipalit ang kanilang top pick sa isang mas mahusay na sentro. Dahil sa pagkuha sa batang sentro, mahaba ang panahon para matauhan ang Shell sa potensiyal ng kanilang magiging draftee.
Sa panig ng Red Bull, iniispatan nila si Davonn Harp o Mick Pennisi habang umaasa naman ang Shell na makukuha nila sa Coca-Cola ang 2003 Most Improved Player na si Rafi Reavis.
Ngunit mas magandang kunin ng Turbo Chargers si Harp dahil ito ang pangunahing rebounder ng Barakos.
Nauna rito, ipinamigay na ng Red Bull si 2002 Most Valuable Player awardee Willie Miller sa Talk N Text para sa mga darating pang Draft Pick at ibang konsiderasyon.
Ang Coca-Cola, na pangsampu sa Draft, ay maaring kagatin ang alok at ibigay si Reavis sa Turbo Chargers kapalit ng No. 1 pick. Ito ay magbibigay sa reigning Reinforced Conference titlist na dalawang first rounders at tsansang mapalakas ang kanilang roster.
Sa iba pang development, nakikipag-usap din ang Shell sa Purefoods para sa posibleng swap sa pagitan nina Eddie Laure at Billy Mamaril. (Ulat ni ACZALDIVAR)