Para sa mga blue chippers, tiyak na ang nasa isip nila ay kung sino ang kukuha sa kanila at kung pang-ilan silang makukuha.
Kasi nga, mahalaga para sa ilang superstars na makuha sa top three o di kayay sa first round. Ibig sabihin ay magiging mas mataas ang kanilang market value kung saka-sakali.
Siyempre, mas malaki ang kontratang makukuha ng mga manlalarong makukuha sa Top Three kaysa sa makukuha sa mga susunod na bilang.
Sa ngayon, isa pa lang ang sigurdong makukuha sa Top Three at itoy si James Yap na kursunadang-kursunada ni coach Paul Ryan Gregorio. Hawak ng Hotdogs ang No. 2 pick overall matapos na pumili ang Shell Velocity.
Ang Shell ay nangangailangan ng isang lehitimong sentro at napakaraming manlalarong puwedeng kunin ng Turbo Chargers gaya nina Ranidel de Ocampo, Ervin Sotto, Rich Alvarez, Marc Pingris at Joaquim Thoss.
So, toss up talaga ang Number One pick sa Draft. At tiyak na ang hindi mapipili ng Shell ay pipiliin naman ng FedEx na may hawak ng picks No. 3 at No. 4. Ayon kay FedEx coach Bonnie Garcia ay dala-wang malalaking players ang dadamputin niya.
Kung palalampasin ng Shell Velocity si Alvarez ay malamang na ito ang maging No. 3 pick sa draft. Nakamit ng FedEx ang third pick overall buhat sa Barangay Ginebra sa trade na kinapalooban ni Eric Menk dalawang taon na ang nakalilipas.
Si Alvarez, isang manlalaro buhat sa Ateneo de Manila University, ay dalawang beses na naparangalan bilang Most Valuable Player sa UAAP. Bukod sa nakakalaro siya ng tatlong pusisyon sa frontcourt, may angking kisig si Alvarez na puwedeng maging market value para sa kahit na anong koponang kukuha sa kanya.
Kumbagay pwede siyang maging "delivery man" ng FedEx! Panghakot ba ng mga fans!
Isa pang sentro ang kukunin ng FedEx sa No. 4 dahil nga sa hindi pa makapaglalaro ang beteranong si Jerry Codiñera sa Fiesta Cup na magsisimula sa Pebrero 22. Sumailalim sa colon surgery si Codiñera sa Italy kamakailan.
Ang Alaska Aces ang pipili ng ikalima at susundan ito ng Red Bull Barako, San Miguel Beer, Sta. Lucia Realty, Talk N Text at Coca-Cola.
Ang ikasiyam na pick ay naipamigay na rin ng Talk N Text sa FedEx kapalit naman ni Yancy de Ocampo. Kaya naman tatlo ang first rounders ng Express at excited si coach Bonnie Garcia sa build-up na mangyayari sa kanyang koponan. Marami siyang makukuhang batang manlalaro na naaayon sa prinsipyo ng kanyang koponan. Gusto kasi ng FedEx na maging running team sila. Hindi nga bat Express ang kanilang monicker. Hawa naman kung slow breaking team sila dahil taliwas ito sa kanilang nais na i-project!
Ano ang kailangan ng Alaska Milk? Marahil kukunin na lang ni coach Tim Cone ang best available talent sa No. 5. Kasi halos kumpleto na naman ang Aces, e. Sa No. 6 ay big man ang malamang na makuha ng Red Bull. Sa No. 7 ay isa ring big man tiyak ang susungkitin ng San Miguel Beer dahil sa hindi na naman tatagal si Benjie Paras na pinapirma nila ng short-term contract noong isang taon.
Sa No. 8 ay kukunin ng Sta. Lucia si Paul Artadi kung aabot pa ito sa kanila. Lehitimong point guard ang kailangan ng Realtors. At sa No. 10, kung may big man pang available ay susunggaban ito ng Coca-Cola. Kung wala, eh di kukunin na lang ni coach Chot Reyes ang best talent available.