Tinanggap na ng Malacañang ang kopya ng imbitasyon na ipinadala ni PSA president Robert D. Cuevas para sa kumpirmasyon ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na inaasahang dadalo sa nasabing okasyon ngayong taon upang personal na ipresinta ang nasabing awards at cash incentives sa mga atleta.
Dalawang taon na ang nakakaraan, dumalo ang Chief Executive sa PSA rites kung saan siya ang nagkaloob ng top award na pinagsaluhan ng Fil-American golfer na si Dorothy Delasin at billiards king Efren Bata Reyes.
Pangungunahan nina world featherweight champion at reigning International Boxing Federation super bantamweight titlist Manny Pacquiao at CJ Suarez, ang ikaapat na Pinoy na nagwagi ng Bowling World Cup ang listahan ng mga awardees bilang co-winners.
Kabilang din sa major awardees ang womens trios nina Liza del Rosario, Liza Clutario at Cecilia Yap, na gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang Asian na nanalo ng ginto sa World Tenpin Bowling Championship at ang Bacolod Girls softball squad na nanguna sa Junior League World Series 13-14 division.
Ayon sa sports opisyal, sinabi ng Pangulo, na nabigong makadalo noong nakaraang taong edisyon gustong-gusto ng Pangulo na tanggapin ang imbitasyon dahil sa kanyang suporta sa kampanya ni Pacquiao at iba pang atleta at ang pagsuporta ni First Gentleman Mike Arroyo sa Philippine sports sa pamamagitan ng First Gentleman Foundation.
Ang iba pang pararangalan na kinabibilangan ng mga gold medalists sa nakaraang Southeast Asian Games sa Vietnam ay kikilalanin rin sa Awards Night na sponsored ng Red Bull at Agfa Colors at supprtado ng San Miguel Corp., Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission, Samsung, Philippine Basketball Association at Manila Mayor Lito Atienza.