Sanay maalala natin ang kahihiyang sinapit ng ating mga boksingero sa kamao ng mga Thai. Sanay magunita ang mga disgrasyang inabot sa bilyar. At sana rin maalala nating paghandaan ang SEA Games natin.
Pasalamatan na rin natin ang mga nagtrabaho sa athletics.
Saluduhan ang mga nanambak sa basketbol. At ipagdasal ang mga sasabak sa Olympics sa Athens.
Oo nga pala, palakpakan din ang mga nagsikap ng buong taon sa PBA.
Bagamat walang-tigil ang pagsalakay ng kontrobersya, mula sa mga pumapapel na kongresista hanggang sa panghimasok ng mga drug tester, nakaraos din.
Makakahinga ng malalim si Com. Noli Eala. Siguro naman, mas maganda ang kalalabasan ng 2004.
Naway maresolba na rin ang sigalot ng NBN at Summit Sports World.
Ayon sa Summit, di daw sila dapat napasok sa ganoong gulo, at naipit lang sila. Sabi ng NBN, hindi daw sila ang magulo.
Daang milyong piso ang pinag-uusapan, at pinutol na raw ng PBA ang kasunduan sa NBN.
Sana mabayaran na ang P74 milyong utang sa IBC-13. Sino ngayon ang magulo?
Pangarap din nating maayos ang prayoridad ng Phil. Sports Commission, nang tuluyan nang mapunta sa mga atleta ang sapat na suporta.
Alam ninyo bang pati ang mga jacket na uniporme ng mga atleta sa Vietnam ay napunta sa ibang tao? Kaya puro maluluwag ang suot ng mga gymnast at iba pa nating lahok. Sinukatan pa naman sila.
Bakit naman ganoon?