Matapos manalo ang Shell sa bunutan, malamang na big man ang magiging no. 1 pick.
Posibleng sina Rich Alvarez at Ranidel de Ocampo, ang dalawang miyembro ng gold-winning national team sa nakaraang Southeast Asian Games ang magiging top pick dahil siguradong nais ng Turbo Chargers na palakasin ang kanilang frontline na matagal nang problema ng team.
Wala pang itinatalaga ang Shell para maging kapalit ni Perry Ronquillo ngunit posibleng isa kina Alvarez at de Ocampo ang kanilang kukunin.
Ang hindi mapipili ay posibleng bumagsak sa No. 3 habang ang Purefoods ay nagnanais buhayin ang kanilang opensa sa tulong ni James Yap.
Posible ring palakasin ng TJ Hotdogs ang kanilang backcourt sa pamamagitan ni Paul Artadi, ang teammate ni Yap sa University of the East.
"We have problems with our backcourt but we also would want a James Yap in our team," pahayag ni Purefoods coach Ryan Gregorio.
Ang draft ay gaganapin sa January 16 matapos ang rookie camp na gaganapin sa January 11 kung saan mayroon ng kabuuang 13 players na nagpasa ng kanilang application.
Pagdating ng araw na iyon, ang Philippine Basketball Association ay mayroon nang bagong board of Governors kung saan si Sta. Lucia governor Buddy Encardo ang incoming President habang si San Miguel representative naman na si Bert Manlapit ang vice-chairman.
Si Bobby Kanapi ng Shell ang magiging treasurer.
Bago magpalit ng kalendaryo ang PBA sa susunod na taon kung saan ang regular season ay magsisimula sa October at matatapos sa Mayo ng susunod na taon, magkakaroon muna ng transition tournament sa February hanggang September.