RP chessers bumagsak sa 2nd

HO CHI MINH CITY -- Nakipag-draw si Pinoy GM Eugene Torre kay Vietnamese Pham Minh Hoang na nagdulot sa kanya para malaglag sa ikalawang overall position sa pagpapatuloy ng chess standard dito sa 22nd Southeast Asian Games sa Van Don competition hall.

Ang draw ding ito ang nagbigay kay Torre ng 5.5 puntos, na kalahating puntos sa likuran ng overall leader na si GM Utut Adianto ng Indonesia na may 6.0 puntos na makaraang pabagsakin ang kababayang IM na si Susanto Megaranto.

"Rb7 move panalo sana ako," anang 52 anyos na kauna-unahang GM sa Asya.

Ang kabiguan naman ni Megaranto ay nagdala sa kanyang sa pakikihati sa 3rd at 4th place kasama si IM Mark Paragua na dinimoralisa si IM Mas Hafizulhimi ng Malaysia.

Sa iba pang resulta sa 7th round, tinalo ni GM Dao Thein Hai ng Vietnam si Zaw Oo ng Myanmar, ginapi ni GM Joey Antonio si Indon IM Liu Dede habang sinilat ni Wong Ji Jing ng Malaysia si GM Wong Meng Kong ng Singapore.

Kapwa may magkakatulad na 4.5 puntos sina Dao at Pham ng Vietnam, Antonio at Wong para sa 5th hanggang 8th place.

Nangunguna naman sina GM Bong Villamayor at IM Ronald Dableo sa grupo ng mga may tig-4 puntos kasama sina GM Wu Shaobin ng Singapore, Mas, at Lim Yee Weng ng Malaysia, Hamdani Rudin ng Indoneisa, Jiravoasuk Banjuab ng Thailand, Bui Vinh ng Vietnam at IM Myo Naing at Zaw Win ng Myanmar.

Nanatili naman na solo liderato ang RP men chessers matapos makapagtala ng kabuuang 19.0 puntos habang pumapangalawa ang Indonesia na may 18.5 at ikatlo ang host Vietnam sa 16.5 puntos. (Ulat ni DMVillena)

Show comments