RP chessers nangunguna pa rin

HO CHI MINH -- Patuloy ang trangko ng Philippine chess team sa standard chess competition ng 22nd Southeast Asian Games sa kanilang pakikisosyo sa liderato dito sa Van Don Hall.

Ang men’s chess team na kasama ang Indonesia sa unahan ay hatak ni GM Eugene Torre sa men’s individual kasama si Indonesian IM Susano Megaranto habang inokupahan naman ni WIM Beverly Mendoza ang unahan ng kababaihan kasama ang Vietnamese top seed na si Nguyen Thi Thanh An at dalawa pa.

Abante ng half point ang RP chessers na kinabibilangan din nina GM Rogelio ‘Joey’ Antonio at Bong Villamayor at double-gold medalist IM Mark Paragua at Ronald Dableo na may 11 puntos tulad ng Indons na pinamumunuan ni GM Utut Adianto, ang mga batang masters ng Vietnam.

Nakuha naman ng pinakabeteranong si Torre ang solo liderato sa men’s individual matapos ang 3rd round ngunit muling nakisosyo kay Megaranto matapos ang isang draw kay Villamyor sa ikaapat na round.

Samantala, si Mendoza, bronze medalist sa rapid chess, ay pumailanlang sa itaas ng women’s individual standard nang daigin nito si Thandar Aye Win sa ikatlong round at Vietnamese Le Phuong Lien sa ikaapat na round.

Pumapangatlo naman sa men’s individual ay ang Pinoy na si Villamayor na may 3 points habang si Antonio ay may 2.5 at sina Paragua at Dableo ay may tig-2 puntos.

"We’re in contention for three more golds here. Malaki ang chance sa men‚s at ngayon lumalaban pa si Beverly sa women’s. Desididong dagdagan yong bronze niya sa rapid," wika ni RP team coach Atty. Sammy Estimo. (Ulat ni Dina Marie Villena)

Show comments