NOWHERE TO GO BUT UP!

Hindi na rin nakakagulat ang pagbibitiw ni Perry Ronquillo bilang coach ng Shell Velocity dahil nga sa huling dalawang seasons ng Philippine Basketball Association ay nangulelat ang Turbo Chargers at nagtala ng napakasamang records.

Tama lang siguro na naisin ng pamunuan ng Shell Velocity na sumubok ng ibang coaches at magkaroon ng panibagong direksyon.

Sa tutoo lang, kahit sino ang pumalit kay Ronquillo ay hindi magkakaroon ng malaking pressure sa balikat. Kasi nga, nowhere to go but up ang Turbo Chargers, e. Sumadsad na sila sa ibaba at wala nang bababa pa roon. Mag-improve lang nang kaunti ang record ng Turbo Chargers sa susunod na season ay puwede na itong ituring na isang achievement para sa hahalili kay Ronquillo.

Sayang nga lang.

Kasi, para bang nailatag na ni Ronquillo ang mga materyales at plano para sa pamamayagpag sa mga susunod na taon. Paulit-ulit niyang sinasabi na okay na ang mga pusisyon sa kanyang koponan. Isa na lang talaga ang kulang sa Shell at iyon ay ang dominanteng big man.

Sa darating na Draft ay tiyak na makakakuha na ang Turbo Chargers ng isang sentrong puwedeng magbigay sa kanila ng lakas sa gitna. Pagpipilian ng Turbo Chargers ang mga tulad nina Ranidel de Ocampo, Ervin Sotto, Marc Pingris at Joaquim Thoss. Bagamat mga bata pa ang mga ito ay napakalaki naman ng kanilang potential.

Pero kung titingnan kasi ang mga nakaraang Draft, talagang masasabing nagkamali din kahit paano sa pagpili ng mga manlalaro si Ronquillo. Dalawang beses na nagkaroon ng pagkakataon ang Turbo Chargers na makakuha ng big men. Noong 2002 ay pinalampas nila si Homer Se at kinuha si Frederick Canlas. Sa taong ito ay muli nilang pinalampas si Enrico Villanueva at kinuha si Adonis Sta. Maria.

Kaya nga napakasuwerte ng Red Bull Barako, e. Kasi, ang Red Bull ang siyang sumunggab sa mga manlalarong pinalampas ng Shell Velocity sa Draft. Sina Se at Villanueva ang sinasabing future ng Red Bull sakaling mawala ang tulad nina Davonn Harp at Mick Pennisi. Bata ang dalawang players na ito at malayung-malayo pa ang mararating.

Hindi natin masasabi kung ano ang kinahinatnan ng Shell Velocity kung nakuha nito ang sinuman kina Se at Villanueva. Pero at least, mas kaunti ang kanilang magiging problema.

Pero what’s past is past. Nangyari na iyon at sumadsad ang Turbo Chargers. Huling mga piyesa na lang ang ilalagay ng bagong coach ng Shell Velocity upang tuluyang makumpleto ang build-up.

Si Ronquillo ang nagbayo at nagsaing pero iba ang kakain!
* * *
HAPPY birthday sa aking mga magulang na sina Nabas Aklan Vice-Mayor Amideo Zaldivar sa December 4 at Judge Maria Carrillo-Zaldivar sa December 5.

Belated birthday greetings kina FedEx coach Bonnie Garcia na nagdiwang ng kanyang kaarawan noong Sabado, at FedEx point guard Wynne Arboleda noong Biyernes.

Show comments