Anak ni 'Bata; di umubra

Marami pang bigas na kakainin si Frennie Reyes, nag-iisang anak na lalaki ng maalamat na si Efren ‘Bata’ Reyes bago marating ang naa-bot ng kanyang ama.

Hindi naging maganda ang panimula ng 20 anyos na si Frennie na agad lumasap ng dalawang sunod na kabiguan sa first Cafe Puro Philippine Open and Invitational 9-ball Championship sa Octagon Hall ng Robinson’s Galleria.

Pinayuko ni Choon Yeng Foong ang batang Reyes, 9-7, sa unang laban at ginapi ni Mario Tolentino 9-3 sa loser’s bracket ng limang araw na event.

Samantala, nakalusot naman sa mahigpit na knockout phase sina Antonio Lining, Marlon Manalo, Ramil Gallego at Ronnie Alcano.

Pinataob ni Lining si Rene Cruz, 9-2, at ang Hapones na si Takashi Uraoka, 9-4; pinabagsak naman ni Manalo ang Korean na si Kim So Gar-nark, 9-6, at Hapones na si Katsuhoshi Hoshi, 9-2; ginapi naman ni Gallego si Dennis Orcullo, 9-5, at Elvis Perez, 9-4; habang tinalo ni Alcano sina Tolentino, 9-4, at Chong, 9-7.

Sa iba pang laban, nalaglag sa loser’s bracket sina Warren Kiamco at Lee Van Corteza makaraang matalo sa kanilang opening games sa magkaibang paraan.

Umaasa naman maibabawi ni Efren ‘Bata’ Reyes ang kasawian ng kanyang anak sa pagsabak niya sa aksiyon ngayon kasama ang 15 pang naka-bye na sina Francisco "Django" Bustamante, Alex Pagulayan, Tukehiko Takahashi, Satoshi Kawabata, Yang Ching-Shun, Hsia Hui-Kai, Jeong Young-Hwa, Park Shin-Young, Mika Immonen, Thorsten Hohman, Marcus Chamat, Ralf Souquet, Earl Strickland, Corey Deuel at Rodney Morris.

Show comments