Malinis na baraha asam ng Welcoat

Sa nakatakdang pakikipagharap ni coach Junel Baculi at ng kanyang bagong koponan na Fash Liquid Detergent sa dati niyang koponan na Welcoat Paints, nais ng una na maipakita ang tunay niyang lakas bagamat nasa ibaba sila ng standing sa kasalukuyang ginaganap na PBL Platinum Cup.

Sa nakalipas na tatlong laro, isang tagumpay pa lang ang kanilang naiposte na taliwas sa Pain Master na siya ngayong may hawak ng pansamantalang liderato hawak ang malinis na 3-0 kartada.

Sasagupain ng Liquid Powers ang Paint Masters sa main game dakong alas-2 ng hapon sa Pasig Sports Center.

Sa labang ito, nais ng Fash Liquid na masundan ang kanilang 68-66 panalo kontra sa ICTSI noong Sabado kaya’t siguradong matinding opensa ang inihanda ng tropa ni Baculi upang dungisan ang Paint Master.

 Samantala, sa huling laro, ibig naman ng Sunkist-UST na palawigin ang kanilang 1-1 win-loss slate sa kanilang pakikipaglaban sa Viva Mineral Water sa alas-4 ng hapon.

Show comments