No. 1 kuha ni Espiritu sa Batangas race

TAGAYTAY CITY -- Matapos maungusan ni Rodelio Valdez kamakalawa, bumawi si Victor Espiritu kahapon nang pangunahan nito ang ikalawa at huling Tour Pilipinas qualifying leg para kunin ang no. 1 spot sa 48 slots na pinaglaban.

Tinapos ni Espiritu, ang isa sa inaasahan ng bansa na maghahatid ng gintong medalya sa nalalapit na Southeast Asian Games sa Vietnam, ay tumawid ng finish line matapos tahakin ang 36.4 kilometrong Individual Time Trial race mula Lemery, Batangas hanggang Tagaytay sa bilis na isang oras, dalawang minuto at 20.33 segundo.

Si Espiritu ay kasama sa winning group na tumawid ng finish line sa unang leg na pinangunahan ni Valdez na nilamon naman ng top national rider sa kasalukuyan.

Nauna ng dalawang minuto si Valdez na pinakawalan ngunit ina-butan ito ni Espiritu sa Barangay Dayapan papasok sa akyating Payapa.

"Magmula dun sandali lang siyang nakasabay tapos iniwanan ko na siya," ani Espiritu na nakarating ng finish line na mas mabilis ng walong minuto kay Valdez na may oras na 1.10.50.66.

Ang di kilalang rider na si Baler Ravina na tumapos bilang ika-34th rider sa unang leg ay surpresang naging second sa kanyang oras na 1.04.39.72 na nagbigay sa kanya ng slot para sa Tour Pilipinas sa susunod na taon matapos kainan ng oras sina Richard Aquino at Jun Villanueva.

Ikatlo naman si Michael Primero, nakababatang kapatid ng beteranong siklista na si Albert Primero sa oras na 1.04.40.43 habang dalawa pang bagitong riders ang pumang-apat at pumanglima na sina Michael Reyes at Virgilio Muena na may oras na 1.05.12.23 at 1.05.16.85 ayon sa pagkakasunod.

Ikaanim ang dating tour champion na si Bernardo Llentada (1.05.33.94) habang sina Benito Stalin (1.05.41.03), Oscar Fronda (1.05.46.44), Alvin Benosa (1.05.52.65) at Desi Hardin (1.05.54.51) ang bumubuo ng top 10.(CVOchoa)

Show comments