PAPASPAS ANG FASH!

MARAMING nag-akalang kaya natalo ang Fash Liquid sa Montana sa opening game ng Philippine Basketball League (PBL) Platinum Cup ay dahil hindi nakapag-ensayo nang maayos ang tropa ni coach Edmundo "Junel" Baculi. Hinintay pa raw nilang makasama sa ensayo ang mga Atenistang manlalaro nila matapos ang UAAP season.

Pero hindi iyon ang dahilan, e.

Napakalakas ng Fash Liquid at kahit na hindi pa nila kasama ang mga stars ng Ateneo ay puwede naman silang makapagbigay ng magandang laban sa Montana Pawnshop. Katunayan, sa larong iyon ay idinikta nila ang tempo sa loob ng tatlong quarters. Sa fourth quarter lang nakaungos ang Jewellers.

Puwede pa nga’ng maitabla ng Fash ang score sa pagtatapos ng regulation subalit nagmintis sa isang three-point shot si LA Tenorio kung kaya’t tuluyang nanaig ang Montana.

Noong Huwebes, ipinamalas ng Fash ang tunay nitong lakas kontra sa Blu Star Detergent na kanilang tinambakan, 90-64. Para bang galit na galit ang Fash at hindi na pinaporma pa ang kanilang kalaban. Katunayan, outscored ng Fash ang Blu Star sa lahat ng apat na quarter. Hanggang dulo ay kumakamada pa rin ng puntos ang tropa ni Baculi.

Kaya naman tuwang-tuwa si Junel sa pagtatapos ng larong iyon.

Aniya, "Hindi naman kami nagkulang sa ensayo, e. Dati na naman naging kasama ang mga Ateneo players at ilan lang naman ang mga bagong nadagdag sa team. Kaya siguro kami natalo ay dahil nagkumpiyansa kami. Parang inisip ng mga players ko na malakas ang team at kahit easy-easy lang ang laro ay mananalo kami. Hindi ganoon ang attitude na hinahanap ko. Malakas ang Montana at beterano ang mga players nila."

Beterano din ang mga players ng Blu Star kaya hindi nagpa-easy-easy ang Fash mula umpisa hanggang sa dulo. Hindi sila nagkumpiyansa. Hayun at nagwagi nga sila nang "pulling away!"

Sa tutoo lang, nakakatakot kalaban itong Fash. Wala kasing itatapon sa line-up nito, e. Nakakainggit nga si Baculi dahil sa kahit siguro nakapikit siya at kahit na sinong gamitin niya, tiyak na magde-deliver!

Kaya nga hindi nabibigyan ng mahabang playing time ang kanyang mga manlalaro, e. Mayroong mga star players na nababangko at hindi naman puwedeng magreklamo ang mga ito. Kasi nga, gagamitin ni Junel ang mga players na sinusuwerte at nagde-deliver. Gagamitin ni Junel ang mga manlalarong sa tingin niya ay may intensity sa larong iyon.

Maganda na rin siguro para sa Fash na natisod sila sa unang game. Eye-opener iyon para sa kanila. Hindi puwedeng isipin ng Fash na porke’t malakas ang line-up nila ay titiklop ang kanilang kalaban. Kailangang patunayan nila na malakas sila talaga!

Show comments