SABIT!

Sunud-sunod na ang pagsabit ng media nitong nakaraang linggo, at ang kawawa na naman ang mga manonood ng PBA. Nahihirapan na ang NBN 4 sa situwasyon ng di-pagbayad ng Summit Sports World ng P52 milyong utang nito sa network na bunga ng pagprodyus ng PBA para sa telebisyon.

Nagpadala na ng demand letter ang NBN sa Summit upang mabayaran man lang ang kalahati ng utang nito bago magtapos ang Oktubre. Subalit dumating at dumaan ang Biyernes, at walang perang dumating. Bago nito, nangako diumano ang Summit na magpapadala sila ng P8 milyon mula sa kinita nila sa mga advertisers. Binigyan ng hanggang Lunes ang Summit para ipaliwanag kung ano ang dahilan kung bakit hindi sila nakapagbayad.

Malaki ngayon ang magiging problema ng NBN. Dahil walang pondong pinaiikot, naghahanap sila ng alternatibong pagmumulan ng ipambabayad sa mga benepisyo ng kanilang mga empleyado ngayong mag-Papasko na. Lalo lang magkakagulo pag di nabayaran iyan.

Pag-uusapan ng NBN board ang gagawin nila para mapiga ang Summit na magbayad. At kahit iwasan ng network, natatamaan pa rin ang PBA. Noong Miyerkules, pinagbotohan ng board ng IBC-13 na itigil na ang pag-ere ng PBA dahil sa mahigit P70 milyong utang ng NBN at Summit sa kanila. Mabuti na lang at kinuha ng Jemah Films (ngayo’y Jemah Sports) ang broadcast rights para sa Southeast Asian Games sa Vietnam sa Disyembre. Uupahan na lang ng prodyuser ng mga pelikula ang kagamitan at airtime ng NBN 4 bilang unang hakbang sa mga susunod pang project sa sports na pang-telebisyon. Problema lang ngayon ay kapos sila sa oras, at kalat kalat ang mga pagdarausan ng laro sa Vietnam.

Karamihan ng mga paligsahan ay gagawin sa Hanoi, kung saan ang pinakamaraming medalya ay pagtatalunan, tulad ng athletics (43 medalya), shooting (40 medalya), swimming (32 medalya), wushu (28 medalya), gymnastics, wrestling at pencak silat (tig-22 medalya). Ang basketbol at walong iba pang isport ay gaganapin sa Ho Chi Minh City, samantalang ang table tennis ay gagawin sa Haishung. Dahil sa mahigpit na schedule, ilang laro ay magsisimula bago ang pormal na opening ceremonies sa ikalima ng Disyembre. Kabilang dito ang football (November 28), water polo (December 1), shooting (December 2), boxing (December 3), at archery, gymnastics, rowing at chess (lahat magsisimula ng December 4).

Ang tanong ngayon: paano natin masusundan?

Show comments