Nakumpleto ni bantamweight Ferdie Gamo ang pananalasa ng Pinoy fighters sa quarterfinal round makaraang itala ang 2-1 panalo laban kay Malik Bouyiane para sa siguradong bronze.
Kailangan ding maghintay ni Gamo ng isa pang araw para sa kanyang pag-asinta sa gold medal kasama ang troika nina Harry Tanamor, Violito Payla at Roel Laguna na nakatakdang sumampa sa ring at umasang aabante sa championship round.
Haharapin ni Gamo si Bahodirjon Sooltonov ng Uzbekistan, ang bronze medalist sa katatapos na World Championships sa Thailand.
Makakalaban naman ng 25-year-old na si Tanamor, silver medalist sa Busan Asiad ang Kazakh bet na si Serik Sikymbayev sa semis ng lightflyweight division.
Sa tennis, isang kapanapanabik na 6-1, 6-7, 7-5 tagumpay ang itinala ni Czarina Mae Arevalo kontra kay Septi Yutami ng Indonesia para maka-usad sa semifinal round ng ladies singles at isiguro ang bansa ng isa pang bronze medal.
Nanaig din si Johnny Arcilla laban naman kay Rohan de Silva ng Sri Lanka, 7-5, 6-4, sa mens singles na tumabon sa 6-1, 4-6, 7-6 kabiguan ni Joseph Victorino kay Sanday Maku ng Nigeria.