Nakakahinga na sa ilalim ng Group A team standings ang TJ Hotdogs makaraang ilista ang ika-3 panalo sa 11 laro at hatakin pababa ang kanilang biktimang FedEx na katabla na nila ngayon sa pangungulelat.
Dahil dito, nanatiling buhay ang kanilang tsansang makasulong sa quarterfinals ng grupo at may pag-asa pang makakuha ng awtomatikong slot.
Muling nagbida si import Leonard Cooke na humataw ng 39-puntos, 13 nito sa ikatlong quarter kung saan bumangon ng TJ Hotdogs sa 10-puntos na pagkakahuli sa halftime, 41-51 at umabante sa 71-67 papasok sa final canto.
Matapos ibangon ang TJ Hotdogs, kinailangan nitong lumabas dahil sa cramps at limang minuto itong nagpahinga.
Ngunit tiniis niya ito at nagbalik sa court para iligtas sa kapahamakan ang Purefoods na dikitan sa 77-78 ngunit nagkaroon ng pagkakataong lumayo sa 87-82 may 1:07 minuto na lamang ang nalalabing oras sa laro.
Nabigo naman ang Express sa kanilang krusyal na attempts na siyang dahilan ng kanilang tuluyang pagsuko sanhi ng kanilang ikatlong sunod na talo.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang Coca-Cola at Talk N Text na tanging hangad ay mapaganda ang record dahil kapwa pasok na ang mga ito sa quarterfinals ng Group B.