Sa pangunguna ng magkapatid na Ismael Jade at Izah Sueno, tumabo ang Koronadal ng 5 ginto, 3 pilak at 2 tansong medalya sa 14 na event ng swimming, na naglagay sa kanila sa ikalawang puwesto ng medal tally sa likod lamang ng Davao City, na ipinadyak naman ang kanilang koleksyon sa 8-10-3 gold-silver-bronze medals.
Ang mag-utol na Sueno, parehong miyembro ng koponan ng De La Salle University sa UAAP, ay kapwa sumungkit ng 2 ginto, kung saan ang 18 anyos na si Ismael Jade ay nagwagi sa 200m mens individual medley at 50-m freestyle habang ang 15 taong na si Izah ay nag-reyna sa 400-m womens freestyle at 200-m womens individual medley.
Ang isa pang ginto ng Koronadal ay galing kay Teresa Simora, na nanalo sa 50-m womens breast-stroke. Ang 14 anyos na si Simora at si Izah ang siya ring nanguna sa kanilang koponan sa paghablot ng silver sa 4x100-m free-style relay.
Sa swimming din nagbuhat ang 4 sa 5 gintong naibulsa ng Davao City kahapon sa ikalawang araw ng kompetisyon.
Ang isa pang ginto ng pinakamalaking siyudad sa Asya ay nagmula kay John Mark Ryan Palma, na naghari sa mens all-around category ng Gymnastics.
Noong isang taon ang Davao City, sa kabila ng hindi nito paglahok sa swimming, ay nag-uwi ng 38 gintong medalya kasama ang 20 pilak at 18 tanso para tanghaling pang kalahatang kampeon ng ikalawang edisyon ng palarong ito na inorganisa ng Philippine Sports Commission.
Ang nagtatanggol na kampeon sa siwmming na Iligan City ay nagkamit ng kabuuang 4 na ginto, 3 pilak at 7 tanso para lumuklok sa ikatlong posisyon ng medal standings. Pumapang-apat naman ang General Santos City na may 2-2-2 produksyon kasunod ang Bukidnon (2-1-1), Ozamis City (1-2-0) Cotabato City (1-1-0), Panabo City (1-1-0), at South Cotabato (1-0-1).
Winalis ng Gen San ang lahat ng medalyang nakataya sa WAG event ng Gymnastics. Ang tanging ginto ng Ozamis ay galing sa swimming nang pangunahan ni Albert Pondoc ang mens 100-m backstroke.