Tinatayang humigit kumulang 4,000 atleta mula sa mahigit 41 Local Government Units ang maglalaban-laban sa 26 disiplina ng palarong ito, na siyang pinakamalaki sa kasaysayan ng rehiyon.
Bukod sa anim na rehiyon ng Mindanao, kalahok din ang delegasyon mula sa Ilocos Norte, sa pamu-muno ni dating Gintong Alay Project chief Michael Keon, bilang guest entry.
Walang iba kundi si Philippine Sports Commission Chairman Eric Buhain ang siyang mangunguna sa seremonya ngayong hapon kung saan sasamahan siya nina Mati Mayor Francisco Rabat, Davao Oriental Governor Ma. Elena Palma Gil at ng mga PSC commissioner na sina Ambrosio de Luna, William Ramirez, Michael Barredo at Leon Monte-mayor, na siya ring pangkalahatang direktor ng proyektong ito.
Bukod sa pagdiriwang ng ika-100 taon ng munisipalidad ng Mati, ang okasyong ito ay gagamitin din bilang pagpaparangal sa mga natatanging Filipinong atleta gaya nina Carlos Loyzaga at Ramon-cito Campos, na gaya ni Mayor Rabat ay Hall of Famer ng basketball, at ang tinaguriang Living Legend ng PBA na si Senador Robert Jaworski.
Ang iba pang atletang bibigyan ng parangal ay sina Mona Sulaiman, ang dating sprint queen ng Asya, ang swimmer na si Jairulla Ambali Jaitulla, na gaya ni Sulaiman tubo ring Mindanao, ang Asias fastest woman na si Lydia de Vega-Mercado, ang boksingerong si Arlo Chavez, at ang basketbolistang si Chito Loyzaga. (Ulat ni Ian Brion)