Ang Tour of Tarlac, ang isa sa bahagi ng pre-2004 Tour season na presinta ng Air21 na pinamamahalaan ni Bert Lina at itinataguyod ng FedEx at Mail and More ay tatakbo sa Oct. 26.
Nakatakdang pakawalan ang Tour of Metro Manila, dalawang linggo mula ngayon sa Nov. 9, ang kauna-unahang bicycle race na tatahak sa National Capital Region na magsisimula at magwawakas sa Marikina City.
Orihinal na itinakda ang Metro Manila race ngayong Linggo (Oct. 19), ngunit ito ay iniurong sa Nov. 9.
Ang mga riders na umaasa na mapasama sa 2004 Tour ay kailangang sumabak sa dalawang araw na qualifying race sa Nov. 15 at 16 sa Tagaytay City. Ang mga riders na hindi nakatapos sa top 36 ng 2003 Tour at ang mga nabigong mapasama sa listahan ay kailangang sumabak sa nasabing Tagaytay race para makakuha ng slot sa 2004 Tour.
Ang pareho ring 12 koponan sa Tour Pilipinas rosters ay muling magpapasiklaban sa nasabing karera. Itoy ang 2003 champion Intel, Pangasinan Races titlist Tanduay Rhum Riders, PagcorSports, Bowling Gold Road Raiders, PLDT-NDD, Gilbeys Island Punch, Samsung, DOTC Postmen, DILG Patrol 117, DILG Drug Busters, DENR Ecosavers at BIR VAT Riders.
Magsisimula ang 2004 Tour Pilipinas sa Samar at Leyte, patungong Bicol at circle Luzon mula sa eastern side na titigil sa pamosong Banawe Rice Terraces bago tutungo sa western route na tatampukan ng mapanganib na Baguio stage bago bababa ng Metro Manila.
Idaraos ang 2004 Tour ng mas maaga sa huling bahagi ng buwan ng Marso dahil sa pagkakaroon ng general elections sa Mayo. Ang 2004 edisyon ay tatahak sa 17 yugto na tatagal ng 21-araw.