Masamang ugali

Lumabas na rin ang mga sentimyento ng isang taga-loob ng PBA tungkol sa umiinog na kontrobersiya sa mga pekeng Fil-Ams sa PBA. Nagsalita na rin si Bert Lina, chairman ng FedEX sa Pilipinas, na nagsabing ayaw ng mga manonood ang mga Fil-Am na sa akala nila’y nanloloko sa kanila.

Marahil ay mas malalim pa ang suliranin dito. Nawala na ang pagiging pangarap ng PBA para sa karaniwang Juan dela Cruz. Noon, ang ordinaryong tao na kapuspalad ay maaaring magsumikap at magpagaling sa larangan ng basketbol upang iangat ang pamilya niya sa kahirapan. Ngayon, sa dami ng Fil-Am sa PBA, mahirap nang pangarapin iyon.

At hindi lamang iyon. Sa mata ng marami, parang inaagaw ng mga dayuhan ang kayamanang nararapat sa mga tubong Pilipinas. Maihahalintulad natin ito sa panahon ng digmaan, kung saan hinuthot ng mga Hapon at Amerikano ang mga likas na yaman natin para sa sarili nilang pakinabang.

Higit pa roon, ang ugali ng ilan sa mga tinatawag na ‘ugly Americans’ ay lumalabas na tunay na masama. Ang inyong lingkod ay may kilalang Fil-Am na sumikat sa MBA at niligawan ng isang kampeong koponan sa PBA. Hindi na bata ang Fil-Am na ito at bago umuwi sa Amerika ay nabuntis diumano ang kanyang teen-ager na girlfriend. Nang ipaalam sa kanya ng babae ang situwasyon, ipinagkibit-balikat lang niya, sabay sabing ‘Are you going to destroy your life for that?" Ipinalaglag ng dalawa ang sanggol.

May isa pang kaso ng isang walang-trabahong Fil-Am na dumayo sa isang lalawigan sa Visayas. May nakilalang matangkad na dalaga, nagkagusto, at nakipagsiping. Sa unang pagkakataon, nag-ingat si lalaki. Paglaon ay hindi alam ng nag-iisang anak na babaeng ito kung paano niya sasabihin sa kanyang mga magulang. Nag-iisa siya ngayon sa Maynila naghahanap ng paraan para buhayin ang sarili at ang darating na sanggol.

Sabihin na nating hindi lahat ng Fil-Am ay ganito, pero hindi ba tayo binababoy ng mga ito? Salain sana natin ang pagkakataon ng mga naghahanap ng hanapbuhay sa ating bansa. Pinapasa lang nila ang mga masasamang ugali nila.

Show comments