Insentibo para sa mga World Cup bowlers inaayos ng PSC

Dahil sa pagbibigay ng isang maningning na karangalan para sa ating bansa, may plano na ngayon ang Philippine Sports Commission na magbigay ng insentibo sa mga national bowlers na umaani ng tagumpay para sa bansa sa iba’t ibang international competitions.

Balitang gumawa ng hakbang si PSC chairman Eric Buhain para mabigyan ng pagkilala ang mga sports hero sa pamamagitan ng pagbibigay ng benepisyong pinansiyal sa kanyang tinamong karangalan para sa bansa.

Kasunod ni Paeng Nepomuceno, ang 24 anyos na si Suarez ang ikalawang male bowler na nagkampeon sa World Cup at tulad din ni Nepomunceno, dahil hindi saklaw sa binibigyan ng insentibo sa Republic Act 9064 ng PSC law ang biennial world events.

Sa ilalim ng RA 9064, ang mga gold medalists lamang sa Asian Games at SEA Games ang mabibigyan ng P500,000 at P100,000 insentibo, ayon sa pagkakasunod.

Dahil din dito, nakipagpulong si Buhain sa PSC board at umaasang magkakaroon ng bagong resolusyon para mabiyayaan ng insentibo ang mga bowlers.

Mismong si Nepomuceno, 4-time World Cup titlists ang bumatikos sa PSC incentives scheme na ito.

Huling napagwagian ni Nepomuceno ang World Cup noong 1996.

Si Suarez, tinataguriang tagapagmana ng korona ni Nepomuceno ay dumating kahapon mula sa Honduras.

Kasamang dumating ni Suarez ang kanyang ama at coach na si Teody. Masaya silang sinalubong sa airport nina Gilbert Gavino, presi-dent ng Coronado Lanes at Jose Puyat III, vice president ng Coronado Lanes kasama din sina POC president Celso Dayrit at ang bagong halal na pangulo ng FIQ na si Steve Hontiveros, pangulo ng Philippine Bowling Council.

"Siguro po magaling po talaga yung development program ng Philippines when it comes to the sports program. Tapos maganda din at maaga rin po akong nasimulan ng dad ko sa bowling. As early as 8 ( years old) I was bowling already. One year lang po ako nag bowl noon," mapagkumbabang pahayag ni Suarez, na isang binata.

Buong pagmamalaking itinaas ni Suarez ang kanyang tropeo at isang kulay silver na replica ng bowling pin sa harap ng mga naghihi-yawang kababayan sa arrival area. (Ulat Nina Dina Marie Villena at Butch Quejada)

Show comments