Dinomina nina Harry Tañamor, Junard Ladon at Arlan Lerio ang kani-kanilang Indian rivals para sa maningning na tatlong medalya na lalong nagpalakas ng kani-kanilang kampanya na mapasama sa piling national squad na isasabak sa nalalapit na Southeast Asian Games sa Vietnam.
Hindi naman gaanong sinuwerte sina Warlito Parrinas at Florencio Ferrer sa kanilang misyon sa biyaheng ito para sa kauna-unahang perfect gold na produksiyon para sa Philippines nang makuntento lamang sa silvers makaraang kapwa yumukod sa mas malalakas na kalaban.
Isinubi ni Tañamor, 24-anyos Armyman mula sa Tubungan, Zamboanga City ang unang gold ng nationals nang kanyang turuan si Khemanand Belwal ng India-Gold ng leksiyon para sa world-class boxing at iposte ang 34-28 panalo sa lightfly-weight final.
Ginamit ni Lerio, gaya rin ni Tañamor na miyembro ng special service unit sa ilalim ni Col. Manuel Marcon at commanding Gen. Gregorio Camiling ang kanyang malalim na karanasan upang dominahin si Vijender Singh ng India-Red ngunit nagwagi lamang ito sa bisa ng 29-23 puntos sa bantamweight final.
Ipinamalas naman ni Ladon, 20-anyos Navy-man na sumabak sa laban na may basbas ng kanyang flag-officer-in-command Vice Admiral na si Ernesto de Leon, ang kanyang lakas at tikas upang pigilan si Naveendev ng India-B sa third round ng kanilang featherweight final.
Ang RP Team-Revicon ay lilipad sa Karachi, Pakistan ngayon upang sumabak sa Green Hill Cup na bahagi rin ng programa ng Amateur Boxing Association of the Philippines para sa 2003 SEA Games sa Vietnam at sa first Asian Olympics qualifying sa Palawan sa susunod na taon.