Winning streak nais ipagpatuloy ng Talk N Text

Ipapagpatuloy ngayon ng Talk N Text Phone ang kanilang pananalasa sa Samsung-PBA Reinforced Conference tangka ang ikapitong sunod na panalo.

Haharapin ng Phone Pals ang Coca-Cola sa main game, alas-7:30 ng gabi sa PhilSports Arena pagkatapos ng laban ng San Miguel Beer at Shell Velocity sa alas-5:00.

Tuluyan nang naagaw ng Talk N Text ang Group B leadership sa Coca-Cola matapos itala ang kanilang anim na sunod na panalo sa pitong pakikipaglaban.

Dahil dito, pagsisikapan ng Tigers na pigilan ang Phone Pals upang muling makisalo sa pang-kalahatang pamumuno.

Nalasap ng Coca-Cola ang kanilang kauna-unahang pagkatalo laban sa Red Bull na siyang dahilan ng pagkaputol ng kanilang five-game winning run kaya sila iniwanan ng Phone Pals sa ikalawang puwesto taglay ang 5-1 record.

Magkakasubukan din ngayon ang kanilang mga imports na sina Damien Cantrell at Artemus McClary na siyang magiging sentro ng atraksiyon.

Nais naman ng Beermen na masundan ang kanilang nakaraang pa-nalo na pumutol ng five game losing streak.

Inaasahang isasalang ngayon si Dorian Peña, makaraang bawiin na ang indefinite suspensiyon na ipinataw sa kanya ni PBA commissioner Noli Eala.

Muli namang aasahan ng Beermen ang bagong import na si Kwan Johnson sa pakikipagharap sa Turbo Chargers na nais ding makabawi sa kanilang back-to-back losses.

Bagamat nakapag-debut game na ang bagong import ng Shell na si Tim Breaux na pumalit sa napilay na si Cedric Webber, inaasahang mailalabas na nito ang natatagong galing ngayon.

Tinamaan ng jetlag si Breaux sa out-of-town game ng Shell laban sa Ginebra noong Sabado sa Bohol na siyang dahilan ng kanilang pagkatalo. (Ulat ni Carmela Ochoa)

Show comments