Kasama ni Schrempf ang ilang mga kaibigan at coach mula sa Amerika upang magbigay-kaalaman sa mga kabataan dito sa atin. Nauna ang Olongapo dahil ang nag-aasikaso sa kanilang camp dito ay si Jeff Flowers, Fil-Am ng Olongapo Volunteers ng naglahong Metropolitan Basketball Association. Kasama rin ang Olympian na asawa ni Schrempf na si Mari.
Labindalawang taong naghanapbuhay si Schrempf sa NBA, at di pwedeng maliitin ang kanyang nagawa doon. Sa paglalaro sa iba-ibang team, nakapagtala siya ng 14 points, 6.3 rebounds at 3.4 assists bawat laro. Tatlong beses siyang hinirang na All-Star, at dalawang beses naging Sixth Man of the Year. At lahat ng kanyang nasamahang koponan ay naging lehitimong contender.
Mababanaag sa mukha ni Schrempf na kaligayahan niya ang magturo ng mga kabataan. Wala siyang ere, at tinitiis niya ang labis na init dito. Walang sawa siyang nagbibigay ng payo sa mga kapos-palad na mga bata rito, ang iba ay wala man lang rubber shoes na maisuot habang naglalaro. At matiyaga niyang tinuturuan ang mga batang maaga pa ay hinihintay na siya. Halos lahat ng bata ay kinakamayan niya bilang tanda ng pagkakaunawaan.
Sa kanilang programang tinawag na Adidas Understand the Game, babagtasin ni Schrempf ang Luzon mula Olongapo patungong Manila at Batangas. Labindalawang araw siyang mamamalagi rito. Dadalaw din siya sa UAAP sa Martes o Huwebes, at pupuntahan ang Big Mans Camp sa darating na Miyerkules sa bagong Adidas Sport Camp sa Fort Bonifacio.
Sa pakikipagtulungan ng Basketball Coaches Association of the Philippines (sa ilalim ng pangulo nitong si Chito Narvasa), mamimili si Schrempf ng dalawang coach na dadalhin niya sa Amerika upang maturuan ng mga pinakabagong pamamaraan ng pagsasanay ng mga player. Si Schrempf ang nagsimula ng Adidas Basketball Camp and Development (o ABCD Camp) sa Europe, na ngayoy ginagawa ng Adidas sa buong mundo. Kung hindi ninyo nalalaman, dito unang nakilala ang mga tulad ni Kobe Bryant at Tracy McGrady.
Sa harap ng kanyang naranasan, nanatiling simpleng tao lamang si Schrempf. Tahimik, ngunit palangiti, na sa pananaw ng maramiy di pangkaraniwan para sa mga Aleman. At makikita na hilig din niyang ibahagi ang kanyang mga natutunan nang walang humpay.
Naway pamarisan siya ng mga NBA players na takot pumunta sa Pilipinas.