SISIHAN NA NAMAN

Hindi pa nakakauwi ang RP Team mula sa ABC Championships sa Harbin, China, nagkakasisihan na kung bakit hindi natin kayang magkampeon doon. Tinuturo ng Basketball Association of the Philppines ang UCAA at iba-iba pang mga liga tulad ng PBL. Bakit daw hindi pinapahiram ang mga manlalaro nito para sa Pambansang koponan? Bakit daw hindi tinupad ang mga "pangako" na ipapahiram ang mga ito?

Para sa nakakaintindi, dalawang simpleng katanungan ang lumilitaw dito. Una, wala bang kasulatan ang BAP at ang UAAP, NCAA, UCAA at PBL hinggil sa pagpapahiram ng mga player? Pangalawa, bakit walang sariling team ang BAP para ipaglaban ang bansa, gayung alam naman nila ang mga kalendaryo ng mga darating na labanan?

Masakit mang aminin, kailangan na ng BAP harapin ang katotohanang magsisimula sila sa wala kung nais nilang ipagpatuloy ang kanilang tungkuling bumuo ng mga national team. Una, maghahanap sila ng mga bagong player. (Maaari nilang tignan ang mahigit dalawang daang lumahok sa PBL Camp noong Lunes at Martes. Pangalawa, tuturuan nila ang mga ito. Pangatlo, hahanapan nila ang mga ito ng ligang masasalihan. At, pinakamahalaga sa lahat, kailangang may kontrata ang mga player, at may suweldo.

Noong nakaraang Miyerkules, tinalo ng M.L. Kuwarta Padala ang Qatar, subalit gumamit ito ng apat na import (Bobby Parks, Daryl Smith, Geremy Robinson at Corey Brown). Dapat kaya rin ng RP team natin, kahit walang import.

Marahil, di pa natin maamin na kailangang bayaran ang mga player natin, subalit iyan ang katotohanan. Wala nang libre sa mga panahong ito. Lahat ay may presyo, maging ang pagsilbi sa bayan. Kung titignan natin ang Pambansang koponan bilang trabaho, marahil sa madaling hanapan ito ng pondo. Marami naman ang nais tumulong, kung Pambansang interes ang pinag-uusapan.

Ang hindi lang naman nagagawa ng BAP ay ang panatilihin sa national team ang mga player nito. Siyempre, naaakit sila sa salapi. Bakit di rin sila suwelduhan? Marami namang isponsor ang BAP. At siguradong marami ang tulad ng Cebuana Lhuillier na tutulong sa mga gastusin ng RP Team. Bakit di nila subukan?

Noong huling naging matagumpay ang RP Team, ilang taong nagsama ang mga player, at lahat sila ay sumikat sa PBA: Samboy Lim, Allan Caidic, Hector Calma, Yves Dignadice, Elmer Reyes, Tonichi Yturri, Alfie Almario at iba pa.

Magpahinog lang ang ilang player sa pagsilbi sa Pilipinas, makikita natin ang pagkakaiba nila sa mga hinog sa pilit na pumasok sa PBA.

May kasabihan tayo: kung gugustuhin, maraming paraan. Kung ayaw, maraming dahilan. Sa ngayon, kailangang patunayan ng BAP ni G. Tiny Literal at G. Graham Lim na kaya nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Madaling sabihing makikipaglaban tayo, at tignan na lamang natin ang kalalabasan.

Pero saan na ang ating tapang?

Show comments