Makakasagupa ngayon ng Phone Pals ang Shell Velocity sa alas-4:00 ng hapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Cuneta Astrodome.
Mabang mainit pa ang nakaraang 82-80 panalo kontra sa Purefoods sa pamamagitan ng buzzer-beating long jumper ni import Damien Cantrell, nais itong masundan agad ng Phone Pals para agawin sa Coca-Cola ang no. 1 spot sa Group A.
Ang nakaraang panalo ng Talk N Text ang pumantay ng winning run ng Coca-Cola na may malinis na 4-0 record na sinusundan ng 4-1 kartada ng Phone Pals.
Dahil walang laro ngayon ang Tigers, may pagkakataon ang Talk N Text na sungkitin ang pangunguna sa kanilang grupo.
Tulad ng Phone Pals, nanalo din ang kanilang ka-grupong Shell kama-kalawa laban sa FedEx, 91-88 sa pagbibida naman ni Tony dela Cruz na humakot ng 28-puntos para iangat ang Turbo Chargers sa 2-2 kartada.
Sa ikalawang laro, alas-6:30 ng gabi, magkakasubukan naman ang mga imports ng Alaska at Red Bull na naging instrumento para makabangon ang dalawang koponang ito sa sunud-sunod na kamalasan.
Sa pagdating ni Isaac Fontaine, natikman ng Aces ang unang panalo, kontra sa TJ Hotdogs, 97-91, matapos mabigo sa unang tatlong laro kasama si Chris Carrawell.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang San Miguel at Sta. Lucia sa kanilang out-of-town game sa Malolos, Bula-can.(Ulat ni Carmela V. Ochoa)