BAD START SA RED BULL

SA umpisa lang pala magaling itong si Ramel Lloyd na import ng Red Bull Barako!

Maraming bumilib kay Lloyd nang magsabog siya ng 43 puntos upang tulungan ang Thunder na magwagi kontra sa FedEx Express sa opening game ng PBA Reinforced Conference noong Agosto 30 sa Easter College Gym sa Baguio City.

Pero sa tutoo lang, sa puntos lang niya dinaig ang karibal niyang import na si Terrence Shannon ng FedEx. Kasi nga’y tila scorer lang itong si Lloyd at hindi maganda ang kanyang all-around performance. Nagdagdag lang siya ng apat na rebounds, isang assist at isang steal sa larong iyon.

Sa kabilang dako, si Shannon, na dumating ilang araw bago ang larong iyon, ay nagtala ng 29 puntos, siyam na rebounds, apat na assists, dalawang steals at tatlong blocked shots. E hamak na mas maganda ang kabuuang laro ni Shannon na humalili kay Darrin Hancock na pinasibat matapos na lumagpak sa drug test.

Pero siyempre, dahil nanalo ang Red Bull, marami ang nagsabing matindi ang import nito. Hindi nga ba’t anim sa 12 tira buhat sa three-point area ang pinapasok ni Lloyd ?

Kaya naman napag-aralan ng mga sumunod na kalaban ng Red Bull si Lloyd.

Kung tatanggalin ang outside shooting ni Lloyd ay hindi na ito magiging ganoong ka-effective. Maliit ito at mas madaling ma-check sakaling sumaksak sa shaded area matapos na ma-deny ang outside shots.

Hayun at pagkatapos ng panalo ng Thunder sa FedEx ay nakalasap sila ng dalawang sunod na pagkatalo buhat sa Talk N Text at Barangay Ginebra. Taliwas sa inaasahang pamamayagpag ng Red Bull ay mayroon itong 1-2 record sa kasalukuyan.

Ang kinuha kasi ng karamihan ay mahahalintulad sa All-Filipino Cup ang kampanya ng Thunder sa Reinfroced Conference ngayong nagbalik na sina Davonn Harp at Jimwell Torion na galing sa drug-related suspension at sa pagkakakuha kay Lloyd.

Hindi pala ganoon iyon.

Kaya naman maraming nagsasabing kung mamamayagpag ang Red Bull ay kailagan nitong kumuha ng malaking import imbes na maliit na kagaya ni Lloyd. Marami naman kasing outside shooters ang Thunder na gaya nina Willie Miller, Lordy Tugade, Junthy Valenzuela at Mick Pennisi na puwedeng mag-deliver. Pero kailangan nila ng makakatulong ni Harp na mangangalabaw sa shaded area.

Kung magkakaroon ng double threat sa shaded area, mamamayagpag pa rin si Harp. At sakaling si Harp naman ang pagtuunan ng depensa ng kalaban, e di yung import ang siyang mamimiyesta.

Bukas ay masusubukan muli itong si Lloyd at makakatunggali niya si Nate James sa laban ng Red Bull at wala pang talong Sta. Lucia Realty. Kapag pumalpak si Lloyd, malamang na goodbye na siya!

Show comments