Aces taob sa Realtors

Sa likod ng malaking kakulangan sa manpower, nagawang hatakin ng Sta. Lucia ang 82-78 panalo kontra sa mapanganib na Alaska Aces sa PBA Samsung Reinforced Conference kagabi sa PhilSports Arena.

Kahit wala sina Kenneth Duremdes at Dennis Espino at kahit di ga-anong nakalaro si Marlou Aquino, hindi ito naging malaking kawalan sa Sta. Lucia nang humataw ang kanilang import na si Nate James na sinuportahan naman nina Francis Adriano at Paolo Mendoza.

Pinangunahan ni James ang Realtors sa paghakot ng 31-puntos, 21 nito ay sa unang quarter bukod pa sa kanyang limang rebounds, tatlong assists at tatlong steals.

Sumuporta naman sina Adriano at Mendoza ng 18 at 17 puntos ayon sa pagkakasunod para sa buwenamanong panalo ng Realtors.

Tinutumbok na ng Sta. Lucia ang daan tungo sa tagumpay nang kanilang hawakan ang 81-71 pangunguna matapos ang triple ni Chito Victolero, 1:22 na lamang ang oras sa laro.

Pinilit isalba ni imports Chris Carrawell ang Aces nang kanyang ilapit ito sa 78-81 matapos ang 9-0 run, 50 segundo na lamang ngunit siya rin ang nagpatalo.

Isinablay nito ang dalawang mahahalagang free-throws at kahit na-natili sa kanila ang posesyon sa tulong ng rebound ni Brandon Lee Cablay, nagmintis din ang kanyang tinangkang drive. (Ulat ni CVOCHOA)

Show comments