Ayon kay Cong. Monico Puentevella, dating commissioner ng Philippine Sports Commission at ngayoy pinuno ng House committee on youth and sports, kung hindi lumagpas sa ikalimang puwesto ang bansa sa SEA Games, malinaw na hindi ginagampanan ng PSC at POC ang kanilang tungkulin.
Isipin na lang natin: noong 1991, 91 ang gintong medalyang nakuha natin.
Ngayon, mahigit isang dekada ang dumaan, halos isang katlo lamang noon ang inaasam ng ating mga lider. Ganoon na ba kababa ang antas ng elite sports dito sa atin? Masaklap pa nitoy mga dating atleta mismo ng mga panahong iyon ang nagpapatakbo ng sports sa bansa.
Ang babala ni Puentevella sa kabuntot ng pahayag niyang dapat magkaroon ng "lifestyle check" ang mga ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa sports.
May mga lumilitaw na ulat na ilang tauhan ng PSC ay may mga bagong sasakyan, at ang ilan ay nabubuhay ng higit sa kanilang kakayahan bilang empleyado ng pamahalaan. Nadamay lamang sa kilos na ito ang Games and Amusements Board, subalit sa liit ng badyet ng GAB, wala namang maaaring gawing kalokohan doon. Di ito tulad ng PSC, na hindi pa nagagawan ng liquidation diumano ang milyun-milyong pisong binigay daw ng Samsung, Centrum, Adidas at iba pang sponsor.
Kung tutoo ang mga ito, talagang iinit ang ulo ni Pangulong Gloria Arroyo sa iniluklok niyang chairman ng PSC na si Eric Buhain. Samantala, kung lumagapak tayo sa SEA Games, si pangulong Celso Dayrit ng Philippine Olympic Committe ay haharap sa mga miyembro ng PSC, kung sakali.
Kung ganyan na katagal ang PSC, at hindi rin nasusunod ang orihinal na panukala ng lumikha nitong si Kalihim Joey Lina, baka ang sistema na mismo ang kailangang baguhin. Kung walang ngipin at timbang ang ahensya, dapat na siguro itong bigyan ng lakas.
Nasa ikalawang pagbasa na ang panukalang Department of Sports sa Mababang Kapulungan. Kung abutin tayo ng disgrasya sa Vietnam, magiging makatwiran ang pagtulak nito sa dalawang kamara. Ang tanong lamang ay kung sapat ang panahon. Sa Disyembre ang SEA Games, at sa Enero pa lamang makakakilos ang komite ni Puentevella. Kasunod nito, maaabala na ang lahat ng pulitiko sa susunod na halalan. At kung sakali mang maging ganap na batas ito, ipapatupad kaya ng susunod na presidente?
Magiging madali ang pagbuo sa bagong departamento, dahil walang hininging dagdag na badyet si Puentevella. At ililipat lamang ang mga tauhang nakapuwesto na sa PSC.
Kaya lang, sino ang magpapatakbo? Sino ang magsisilbing kalihim?