SIKAT SA PROBINSYA

SUNUD-SUNOD na naman ang out-of-town games ng Philippine Basketball Association sa pagsisimula ng Reinforced Conference. Katunayan, ang unang laro ng torneo ay gaganapin ngayong hapon sa Eastern College Gym sa Baguio City kung saan maghaharap ang Red Bull Barako at ang FedEx Express.

Sa tutoo lang, mas maraming tao ang nanonood ng out-of-town games ng PBA kaysa sa mga larong ginaganap sa Maynila.

Kasi nga’y paminsan-minsan lang naman nakikita ng personal ng mga fans sa probinsya ang kanilang mga paboritong koponan ang manlalaro. Hindi naman sila puwedeng lumuwas ng Maynila palagi. Nakukuntento na lang sila sa panonood sa television.

Kumbaga nga’y tutoo ang kasabihang "absence makes the heart grow fonder."

Kaya nga sa tutoo lang, maganda din ang ginagawa ng San Miguel Corporation sa programa nitong SMC Basketball Goodwill Circuit kung saan ang mga dating manlalaro ng PBA ay nagtu-tour sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.

Ang proyektong ito na pinamamahalaan ni dating Purefoods Tender Juicy Hotdogs head coach Eric Altamirano, ay sinimulan noong Pebrero. Kumuha ng ilang ex-PBA players ang SMC at hinati ito sa dalawang koponang North and South.

Siyempre, layunin ng proyekto na i-promote ang iba’t ibang produkto ng San Miguel Corporation. Subalit bukod dito ay marami pang ibang layunin ang proyekto. Kahit paano’y nabigyan ng trabaho ang mga dating PBA players. Nanatili silang aktibo at kung may mga PBA teams na gustong kumuha sa kanila ay malaya naman silang pakakawalan.

Hindi nga ba’t hinayaan ni Altamirano na maglaro sa Talk N Text si Noli Locsin. Ganoon din si Ronald Magtulis na sa Reinforced Conference ay lalaro naman sa Purefoods Tender Juicy Hotdogs.

May ilang mga manlalarong nasa SMC Basketball Goodwill Circuit na kursunadahin ng ilang PBA Teams. Pero dahil daw sa sarap ng samahan ng grupo at sa pangyayaring hindi naman sila pressured sa pagtu-tour ay minamabuti nila na huwag na munang bumalik sa PBA. Kumbaga’y kuntento na sila sa kanilang ginagawa sa kasalukuyan. Nag-eenjoy sila sa kanilang ginagawa, eh.

Bukod sa paglalaro ng exhibition games, sina Altamirano at ang mga players ay nagsasagawa din ng clinics para sa mga kabataan. Mayroon ding coaching seminars. At sa mga susunod pang araw ay magkakaroon pa nga ng sportswriting at sportscasting seminars.

Kaya nga iba rin ang reception na nakukuha ng SMC Basketball Goodwill Circuit. Kahit saan pumunta ang grupo ay dinudumog sila ng tao.

Ito’y patunay lang na may pitak pa rin sa puso ng mga Pinoy ang sport na basketball at kung makikita ng mga fans ang kanilang mga paboritong malalaro kahit na retirado na ang mga ito sa PBA, aba’y kinikilig pa rin sila.

Kung ang mga retired players ay dinudumog sa probinsiya, ano pa kaya yung mga aktibong PBA players. Kung hindi lang magastos, dapat siguro’y mas maraming out-of-town games ang gawin ng PBA.

Show comments