Nikon Electric Fan lasing sa Ginebra Kapitan

Minasaker ng Ginebra Kapitan ang Nikon Electric Fan sa huling apat na racks upang iposte ang come-from-behind 7-5 panalo kahapon at kunin ang ikalawang semifinals seast ng kauna-unahang major billiards league--ang Corporate Billiards League (CBL) sa Robinson’s Galleria.

Pinasimulan nina Allan Dulao, tinaguriang ‘Tirador ng Cotabato’ ang No. 1 Asian trick Shot King na si Julie Falcon ang isang rally upang muling makabangon bago tuluyang isinara ni Gaga Gabica, sumikat makaraang makopo ang German crown ang panalo ng Ginebra Kapitan sa bisa ng kanyang combination shot.

Bunga ng panalo, makakasama ng Ginebra Kapitan ang Beer na Beer sa single round robin semifinals para sa tsansang maipanalo ang winner-take-all P100,000 top purse.

Sa katunayan, hawak ng Nikon ang trangko nang banderahan nina Monching Mistica at Chris Serna ang kanilang koponan sa 5-3 kalamangan.

Subalit ilang hindi magandang tira at fouls ang natamo ng Nikon sa sumunod na play na siyang sinamantala ng Ginebra Kapitan upang agawin ang tempo at itabla ang iskor sa 5-5 bago tuluyang itiklop ang laban.

"Talagang sinuwerte lang kami. Noong panay na ang foul nila, sinung-gaban na namin yung opportunity para humabol. Eventually, hindi na sila nakabawi," wika ni Gabica.

Sa kabila ng kanilang pagkatalo, sina Mistica at Serna ay nakakaseguro na ng tig-P10,000.

Dalawang iba pang quarterfinalists ang maglalaban-laban para sa nalalabing dalawang semifinals berth.

Ang top two makaraan ang single-round robin semifinals ang maglalaban-laban para sa best-of-seven championship series.

Show comments