24 TV at sports personalities sali sa JVC Open

Dalawamput-apat na TV, movie and sports personalities, na kinabibilangan nina Angela Velez, Glydel Mercado, Maritoni Fernandez at Chiqui Roa ang magpapasigla at magbibigay kulay sa star-studded celebrity tournament ng JVC Open Badminton Champion-ships na magbubukas sa Aug. 25 sa Glorietta Activity Center sa Makati.

Apat na koponan na binubuo ng anim na manlalaro ang lalaro ng round-robin celebrity tournament na ang mananalong squad ang siyang magbubulsa ng P60,000 premyo. Ang mga events na paglalabanan ay ang men’s, ladies at mixed doubles na ang bawat manlalaro ay papayagang lumaro sa isang event lamang.

Tatanggap naman ang second placer ng P45,000, habang ang third at fourth finishers ay pagkakalooban ng tig-30,000.

Pangungunahan ni Roa ang Team A na kinabibilangan nina Anthony Suntay, Patrick dela Rosa, Chicco Garcia, Glenda Garcia at Mariz Rickets, habang si Fernandez naman ang babandera sa Team B na binubuo nina Hans Montenegro, Ricky Davao, Ricardo Cepeda, Apples Aberin at Gem Padilla.

Magkakasama naman sina Mercado, Tonton Gutierrez, Mariberth Bichara at ang brother-sister tandem nina Ruby at Raffy Rodriguez sa Team C, habang si Velez ang mangunguna sa Team D na kinabibilangan naman nina Marc Nelson, Dennis Salud, Cody Moreno at ang sister-pair nina Dyan at Jackie Castillejo.

Ang isang araw na celebrity event ay sisimulan sa Aug. 31 na siyang magiging pampagana ng isang linggong championships.’

Show comments