Nagpasiklab ang tambalang sina Gary David at Emmerson Oreta nang magpasabog ng siyam na puntos upang trangkuhan ang Nationals sa 11-0 bomba sa second quarter na naglagay sa kanila sa unahan at hindi na nila binitiwan pa.
Ang panalo ay naglagay sa Philippines ng malakas na laban para sa korona sa single-round robin tourney na ito na ang koponan na may magandang record ang siyang tatanghaling kampeon.
Susunod na makakaharap ng bansa ang Vietnam sa Miyerkules ng gabi bago sagupain ang Malaysia. Tinalo ng host country ang Vietnam, 90-75 sa isa pang opening day match.
Ang nasabing basket ang siyang nagpatahimik sandali sa mga Filipino crowd na binubuo ng mga mag-aaral at empleyado na nagtatrabaho dito sa Malaysia Basketball Association gym na bahagyang nagpakaba sa kampanya ng Filipinos.
Ngunit agad ding binuhusan ng malamig na tubig ng 24-anyos na si David ang pananakot ng Thais nang kumana ito ng tres na sinundan ng fastbreak layup upang agawin ang trangko.
Halos dalawang buwan pa lamang na nabubuo, umaasa ang RP-Cebuana Lhuillier Team na makukuha ang isa sa dalawang nalalabing slots sa Asian Basketball Confederation championships sa susunod na buwan sa Harbin, China.