Una, nilampaso ng mga lokal na team sa PBA ang mga bisitang lumahok sa Mabuhay Cup. Isa-isang nagtumbahan ang Yugoslavia at Taipei. May nakapagkwento sa Pilipino Star na madalian lamang na binuo ang koponan ng Novi Sad, na hindi man lamang sila magka-kampi. Tutoo kaya ito?
Samantala, dinala naman ng FedEx at Air 21 sa Pilipinas ang isang koponan mula sa Taiwan na kinabibilangan ang isang bida ng isang GMA Chinese telenovela. Ngayong araw gagawin ang kanilang press conference sa tanggapan ng FedEx sa may airport. Nagdatingan na rin ang ibang mga import ng mga PBA team para sa Third Confe-rence, at tinutulungan naman ni dating Best Import Sean Chambers ang Alaska Aces sa PBA at Ateneo de Manila sa UAAP. Ang De La Salle naman ay may kinuhang dalawang Yugoslavian para sa kanilang susunod na pakikipaglaban sa UAAP.
Hindi lamang iyan. Dumating noong isang araw ang Slam Nation, grupo ng mga nagliliparang mga manlalaro na nakabase sa France. Magpapakitang-gilas sila sa mga kababayan natin sa PBA sa Biyernes. Samantala, napipinto na sa Setyembre ang pagdating ng retiradong NBA All-Star na si Detlef Schrempf.
Magtuturo si Schrempf sa mga naglalakihang player natin sa Manila, Olongapo at Batangas sa mga petsang di ba nakatakda.
Ang maganda rito ay may panibagong pagkakataon ang ating mga kababayan sa makakita ng ibang klaseng basketbol. Ang masama nito ay makikita ng mga dayuhan ang mga nagagawa natin upang sirain ang basketbol sa ating bansa.
Mababasa nila sa diyaryo ang bangayan ng mga PBA teams tungkol sa mga pekeng Fil-Am, makikita nila ang habulan para makaakit ng mga batang player sa mga paaralan para lamang manalo sa college basketball leagues. At makikita nila ang mga tusong agent na nagpapasok ng mga player na walang pakialam sa bansa natin, kumita lang ng malaki-laking salapi.
Matutunghayan pa rin nila ang mga suliranin ng PBA , ang nababaon na utang sa TV at ang mga problema natin sa pagbuo ng national team.
Nasa kapangyarihan din naman nating baguhin ang lahat ng ito. Sayang lang, baka walang nang makapagdadala nitong magandang balita sa tagal nitong mangyari.