Ang panalo ng Red Lions ang nagpalawig ng kanilang winning streak sa limang sunod na panalo na nagpatatag sa kanilang kapit sa solong liderato sanhi ng 6-2, habang ipinatikim naman nila sa Dolphins ang ikalawang sunod nitong pagkatalo at ikalima sa kabuuang 8 laro.
Sumandig ang Mendiola-based dribblers sa tikas ni Arjun Cordero na tumapyas ng 19 puntos kung saan ang halos kalahati ng kanyang produksiyon ay kanyang kinana sa second half upang trangkuhan ang Bedans sa tagumpay.
Hindi naramdaman ng Bedans ang pagkawala ng kanilang key players na sina Michael Casino na sinuspinde ng board at Jeff Bombeo na di na maaasahan pa ng koponan sa buong season dahil sa kanyang pagkaka-sideline sanhi ng injury nang hatakin agad nila ang tempo sa 21-14 kalamangan bago nagawa nila itong alagaan hanggang sa second quarter, 49-42.
At sa pagpintada ng ikatlong canto, nagmistulang mabangis na Leon ang Bedans nang kanilang sakmalin ang pinakamalaking kalamangan sa 21-puntos sa pagtutulungan nina Tim Ong, Marvin Baldivia at Carlo Weber na hindi na nagawa pang tibagin ng Dolphins.
Si Casino ay pinatawan ng isang larong suspensiyon sanhi ng kan-yang paniniko kay Nat Cruz ng Mapua sa una nilang paghaharap, ha-bang na-injured naman ang kaliwang paa ni Bombeo sa huling bahagi ng first quarter.
Sa junior division, pinarisan din ng Red Cubs ang panalo ng kanilang senior counterpart nang igupo ang Baby Dolphins, 78-60.