Ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon, isinasalaysay ni Jimwell sa Pilipino Star Ngayon ang mga pinagdaanan niyang paghihirap sa rehabilitation, kung saan naisama siya sa mga palagiang gumagamit ng drugs.
"Yung na-experience ko sa rehab yung pakikisama," bungad niya. "At saka yung pasensiya, yung ugali ng pakikisama sa isa't isa. Hindi ko makalimutan, meeting kami ng meeting. Kahit bumabagyo, nagmiting kami. Wala kaming service, kaya nag-commute lang ako.'
Habang nililinis ni Jimwell ang katawan, maging isipan niya ay ibinago na rin niya. Naisip niya ang magiging epekto sa mga mahal niya sa buhay, lalo na sa sarili niyang pagkatao.
"Nung nandoon ako sa rehab, naisip ko lang yung career ko at saka yung family ko kung hindi ako nag-rehab," maluha-luha niyang naalala. "Kawawa yung family ko at saka ako, siyempre. Para sa akin din 'tong pumasok ako sa rehab."
Nang mawala siya sa PBA, nagmakaawa siya sa Batang Red Bull na gamitin siya, kahit bilang practice player lang. Nagsumikap siya para pagkatiwalaan siyang muli, at nag-apela siya sa liga na bigyan siya ng pagkakataon.
"Expected ko na makakapaglaro ako sa second conference pa," salaysay ni Torion. "Lahat ng hirap, pinagdaanan ko. Pero buo ang loob ko na makakabalik ako agad."
Di mapigil ang tuwa ni Torion nang malaman niyang makakabalik siya sa Invitational Cup. Ngayong nakaahon na siya sa dilim, pinapayuhan niya ang mga kasamahan niyang huwag magpadala sa tukso.
"Masasabi ko lang sa kapwa players ko, kung mag-isip kayong gawin yung ginawa ko, huwag na lang. Magdurusa kayo, yung family ninyo. Lahat, hindi na magtitiwala sa inyo. Buti sa akin, kahit nagkamali ako, tinulungan pa rin ako ng management namin. Kayo rin ang kawawa."
Hindi lahat ay binibigyan ng pangalawang pagkakataon. Alam iyan ni Jimwell Torion.