2 pang Pinoy GM-candidate nakisalo sa liderato

Kapwa nagtagumpay ang Filipinos Grandmaster candidate na sina Ronald ‘Titong’ Dableo at International Master Joseph Catiwalaan Sanchez (ELO 2410) sa kani-kanilang mga kalaban upang makisalo sa liderato sa kababayang sina GM candidate Mark Callano Paragua (ELO 2500), Grandmaster Lexy Ortega (ELO 2437) ng Italy, HM Igor Miladinovic (ELO 2609) ng Greece at Dimitar Marholev (ELO 2385) ng Bulgaria sa ikapitong round kahapon ng XV Open Cannes International Chess Championships sa Cannes, France.

Tinalo ng 24-anyos at dating San Sebastian College standout na si IM Dableo si International Master Oghjan Todorov (ELO 2339) ng Bulgaria sa kanilang board 6 encounter.

Sa kabilang dako, dinispatsa naman ng 32-anyos na Cebuano chesser na si IM Sanchez si Lijubomir Scala (ELO 2040) ng Yugoslavia sa board 5.

Samantala, nakipagkasundo naman ang 20-gulang IM na si Paragua sa draw sa dating co-leader GM na si Ortega sa top board encounter.

"Kailangang pumukpok kami sa natitirang dalawang round at must win," wika ng 1998 World Youth under-14 champion na si Paragua at miyembro ng Philippine Airforce.

Sina Paragua, Ortega, Sanchez, Dableo, Mila-dinov at Marholev ay may pare-parehong iskor na tig-5 puntos sa nine round Swiss System weeklong-FIDE tournament na humakot ng 128 players sa mundo.

Show comments