"The show must go on. We wanted to go on despite what happened in Makati. Kahit paano ay marami pa rin ang pumunta rito sa Astrodome," ani PBA Commissioner Noli Eala.
At habang patuloy pa rin ang negosasyon sa pagitan ng mga rebeldeng grupo at ng pamahalaan, madali nang naresolba ng San Miguel ang kanilang laban kontra sa RP team kahapon.
Walang awang inilampaso ng SMBeer ang Pambansang koponan, 95-55, na nakibahagi sa torneong ito bilang preparasyon sa kanilang pagsabak sa Southeast Asian Games sa Vietnam sa Disyembre.
Posibleng hindi gaanong namasaker ang RP squad kung sana ay nakasama nila ang 7 UAAP players na di pinalaro ng UAAP Board.
Ito ay sina Wesley Gonzales at Rich Alvarez ng Ateneo, James Yap at Paul Artadi ng UE, Gerard Jones at Mark Isip ng Far Eastern University at Alwin Espiritu ng Santo Tomas dahil sa conflict ng kanilang schedule sa laro ng kani-kanilang eskuwelahan sa UAAP.
"Nung lumamang kami ng 20-puntos, medyo nag-relax ang mga players," sabi ni coach Jong Uichico. "Sabi ko, if we dont play hard, we wont help ourselves and we cant also help the National team."
Ipinakita ng two-time MVP na si Danny Ildefonso ang kanyang dating lakas sa paghataw ng 20 puntos, 10 sa ikalawang quarter na naghatid sa Beermen sa 23 puntos na kalamangan sa halftime, 48-25, at walo sa ikatlong yugto kung saan lumobo ang bentahe ng SMB sa 73-34.