Darating ang Yonsei University squad mula sa South Korea sa alas-11:50 ng umaga ngayon galing Seoul via Asiana Airlines flight no. 371 susunod ang Novi squad ng Yugoslavia sa alas-5:40 ng hapon via Lufthansa flight no. 337.
Huling darating ang Jilin Yi Qi Tigers ng China bukas ng alas-8:50 ng gabi sakay ng Philippine Airlines flight no. 337.
Nasa bansa na ang legendary Korean player na si Shin Dong Pa na siyang guest of honor sa opening ceremonies.
Titira ang lahat ng mga dayuhang koponan sa Traders Royal Hotel sa Roxas Blvd.
Bubuksan ang nasabing tournament na una at kakaiba sa kasaysayan ng PBA simula noong 1982 sa Linggo kung saan sasagupain ng Red Bull Barako ang Yonsei University sa main game sa alas-6:30 ng gabi, habang susukatan naman ng San Miguel Beer ang RP National team sa alas-4 ng hapon.
Ang Yonsei University at Red Bull Barako ay nasa iisang grupo kasama ang Lamoiyan sponsored-Yugoslavian junior team, ang All-Filipino champion Talk N Text at FedEx habang ang San Miguel at RP squad kasama ang Coca-Cola, Alaska Aces at Jilin Yi Qi Tigers ay nasa kabilang grupo naman.
Ang bawat grupo ay lalaro ng single round robin sa eliminations na ang top two teams ang siyang uusad sa crossover knockout semifinals. Ang mananalo ang siya namang maglalaban para sa best-of-three showdown para sa korona.
Ang Yonsei University, Jilin Yi Qi at Novi Sad ay magtatangka na maging ikalawang foreign team na manalo ng titulo sa local pro league. Nagwagi ang Nicholas Stoodley/USA noong 1980 Invitational championship kontra sa Toyota.
Itinaya ng PBA ang cash prize na $20,000 para sa foreign guest team na mananalo ng kampeonato. Samantala, maaari ng mabili ang mga ticket sa lahat ng SM department stores at sa Cuneta Astrodome. (Ulat ni Beth Repizo)