Nanatiling malinis sina Efren Bata Reyes, snooker ace Marlon Manalo para makasama sa liderato sina Canada-based Pinoy Alex Pagulayan at German Ralf Souquet na may 7-0 win-loss mark.
Ang tanging nakawala sa listahan ng mga Pinoy ay si Ronnie Alcano na hiniya ni Reyes, 5-1.
At sa huling araw ng Group match elimination, ginapi ni Reyes si Roxtone Chapman, 5-2 habang magaan namang tinalo ni Manalo si Pascal Budo, 5-2 bago makabangon sa 2-4 deficit at magwagi kay Haruyoshi Hinokiyama , sa makapigil-hiningang 5-4 tagumpay.
Ngunit ang tunay na pagsubok ay nagsimula na sa winner breaks race-to-9 format kung saan ang kampeon ay mag-uuwi ng top prize na $65,000 at $30,000 sa runner-up.
Si Reyes, tinaguriang "The Magician" Reyes, at paborito ng British bookmakers, ay makakaharap naman ang No. 2 favorite na si Johnny Archer, na nakalusot matapos ang dalawang kabiguan at nakaabot sa huling upuan sa Group 7.
Makikipaglaban naman si Francisco Django Bustamante kay 2003 European champion Oliver Ortmann, na tulad ni Archer ay humabol sa huling biyahe.
Makakalaban naman ni Manalo si Ernesto Dominguez ng Mexico na nagtapos na ikaapat sa Group 8 na may 4-3 record.
Ang lider sa Group 10 na si Lee Van Corteza ay makakatagpo si Sten Jarledal ng Sweden.
Makikipagtumbukan naman si Dennis Orcullo kay Mad Max Eberle at makakalaban naman ni Ramil Gallego ang Russian na si Evgeny Stalev
Makikipagtipan naman si Bustamante kay 1999 All-Japan Pro Tour champion at kasalukuyang world no. 3 na si Hinokoyama.