Lumilipad ulit ang "flying a"

ANU’T anuman ang mangyari o nangyari na sa Finals ng Samsung-PBA All-Filipino Cup ay napatunayan na ni Johnny Abarrientos na kaya pa niyang agawing muli ang titulo bilang pinakamahusay na point guard sa liga at hindi pa tapos ang pamamayagpag ng manlalarong tinaguriang "Flying A."

Aba’y malaki ang naiambag niya sa Coca-Cola Tigers sa Finals kung saan tumaas ang kanyang mga numero. Hang-gang sa Game-Six ay nag-average siya ng double figures sa scoring nang gumawa siya ng 11.6 puntos kada laro. Bukod dito’y mayroon pa siyang 4.6 rebounds at 5.2 assists.

Ganito ang mga numero niya noong siya’y naglalaro pa sa Alaska Aces na tinulungan niyang magkampeon nang kung ilang beses sa nagdaang dekada.

Kaya lang naman bumaba ang kanyang laro ay dahil sa nagtamo siya ng injury at natagalan bago siya naka-recover. Nang pabalik na siya’y ipinamigay naman siya ng Alaska Aces sa Pop Cola tatlong taon na ang nakalilipas.

Ang masama pa nito’y sangkaterbang iba pang isyu ang lumabas hinggil kay Abarrientos. Nandoon ang may tsismis na nalululong siya sa bawal na gamot. Siyempre, nasaktan nang lubha si Abarrientos.

Puwes, ngayong may ilang superstars na nasuspindi dahil sa bumagsak sa drug testing na isinagawa ng PBA at hindi naman kabilang si Abarrientos sa mga iyon, aba’y dapat na humingi ng dispensa sa kanya ang makakating dilang nagsa-bog ng masagwang tsismis na iyon sa mga nakaraang pana-hon!

Talaga lang sigurong lapitin na sa injuries si Abarrientos. Ganoon naman ang buhay ng mga basketball players lalo’t nagkakaedad na sila. Sa sobrang bugbog na inaabot ng kani-lang katawan sa paglalaro’y hindi maiiwasang bumigay din ang buto’t kasu-kasuan.

Kaya nga maganda na rin itong nangyayari kay Abar-rientos. Nakakabawi na siya.

Hindi nga ba’t dahil sa pagbaba ng kanyang laro ay hindi rin siya nakabilang sa Philippine Team na pumang-apat sa nakaraang Busan Asian Games. Biruin mong siya ang lead point guard ng Pilipinas sa nagdaang dalawang Asiad bago ang sa Busan pero nabigo siyang maging bahagi ulit ng Pam-bansang koponan.

Sa tutoo lang, bago nagsimula ang season na ito ay sumagi daw sa isipan ni Abarrientos ang pagreretiro lalo’t naoperahan siya sa mukha bunga ng tatlong fractures matapos na masiko ni Rob Duat sa 2002 All-Filipino Finals sa pagitan ng Tigers at ng Alaska Aces. Sa Game-One lang siya nakapaglaro at pagkatapos ay naospital na siya.

Dinamdam nang todo ni Abarrientos ang kanyang injury. Subalit kinausap naman siya ni coach Vincent "Chot" Reyes at ng pamunuan ng Coca-Cola at sinabing hindi pa naman ta-pos ang kanyang career. Marami pa siyang puwedeng gawin.

Kung gayon pipiliin ang mga point guards na papasok sa Mythical Team ng PBA, tiyak na kasama na si Abarrientos sa mga iyon.
* * *
HAPPY birthday kay Talk N Text Team owner Manny V. Pangilinan na nagdiriwang ng kanyang ika-50 kaarawan nga-yon.

Show comments