Dahil sa pagdagsa ng mga Fil-Am, mas manipis ngayon ang pagkakataon ng mga "lokal" na makapasok sa PBA, liban lamang kung talagang pambihira ang kanilang kakayahan. Nakakasira ng loob ito para sa mga gustong maghanapbuhay sa basketbol bilang manlalaro. Subalit, sa pagdating naman ng mga imported na varsity players (tulad na rin ng mga Fil-Ams dati, at ngayon ng mga Yugos-lavian tulad ng maglalaro para sa La Salle) mukhang pati sa college ay nababawasan na ang pagkakataon ng ating mga bata.
Ang magandang balita ay mas lumalakas ngayon ang demand para sa basketbol, taliwas sa mga kondisyong nabanggit. Una, dahil sa epekto ng pagpasok ni LeBron James sa Cleveland Cavaliers sa NBA, marami na ang naghahanap ng mga mas batang player na kayang iakyat sa pro. At kahit na mahirap ito, lumalaki ang pag-asa ng maraming manlalaro sa Amerika na makapasok sa NBA ng mas maaga. Ito ay dahil sa "hardship rule" na sinimulan noong panahon ni Spencer Haywood, na nangatuwirang basketbol lamang ang kanyang mapagkakakitaan.
Pinayagan siyang maglaro kahit hindi pa siya nagtatapos, at marami ang sumunod.
Isa pang nakakagana ay ang pagbabalik ng RFM Corporation sa grassroots development ng basketbol. Sinimulan ito sa kanilang Selecta Moo basketball camp (para sa mga batang nasa elementarya) at Sunkist Youth Basketball Championships (na sumasakop sa mga nasa mataas na paaralan). Dahil dito, napakaraming bata ang mabibigyan ng mas magandang pagsasanay para sa kanilang kinabukasan.
Makikita natin na kumakalat na rin ang talento sa ating bansa. Sa Adidas Streetball Challenge na ginaganap sa Glorietta Activity Center sa Makati, may dalawang koponan mula sa Zamboanga na pumasok sa national finals, kasama ang ilang team mula sa Pampanga at Tarlac. Ibig sabihin nito'y tumataas na ang kalidad ng laro sa bawat sulok ng bansa. Kailangan na lamang itong patalasin pa.
Magiging solusyon ito sa kaawa-awang kondisyon ng RP men's team. Binawi ng mga UAAP schools ang kanilang mga manlalaro matapos ang ilang buwang pagsasanay. Sino ang matitira para ipaglaban ang watawat? Mga tira ng ibang paaralan, mga PBL player, at mga walang trabaho. Kaawa-awa naman tayo.
Mabuti na rin palang may nagkaka-interes sa mga bata. Sana lumaki silang may paninindigan.