Suarez, Canare nasa kontensiyon pa

Nananatiling nasa kontensiyon sina national bowlers CJ Suarez at Jojo Cañare para sa panibagong World Cup International Finals appearance nang pangunahan ang 72 iba pang aspirante sa national finals sa pagtatapos ng unang qualifying period sa 25 centers.

Nagrolyo si Suarez ng 12-game series na 2369 sa Commonwealth habang nagtala naman si Cañare ng 2051 sa 10-games sa Power Bowl kung saan ang nangunguna pintoppler ng bansa na si Liza del Rosario ay umusad din sa pamamagitan ng kanyang eksplosibong 2114 performance.

Pinangunahan ni Suarez at Cañare ang kampanya ng bansa sa International Finals noong nakaraang taon sa Riga, Latvia.

Ang iba pang kilalang bowlers na nakasama sa unang batch ng national finalists ay sina Chester King, Paulo Valdez, R.J. Bautista at Biboy Rivera.

Nagpagulong si Bautista, nanalo ng doubles gold medal kasama si World champion Paeng Nepomuceno sa Busan Asian Games, ng 12-Game series na 2760 pinfalls sa SM Megamall upang makawala kay Nilo Penado na may 2263.

Tumira si King ng 2646 sa Pearl Plaza, nagtala naman si Rivera ng 2411 sa Coronado Makati at nagsumite ang come-backing na si Valdez ng 2343 sa Astrobowl.

Nagsisimula pa lamang ang second qualifying period at ang Center finals ay nakatakda sa Agosto 10-15. Ang National men’s at ladies champions ang siyang kakatawan ng bansa sa 39th World Cup International Finals na nakatakda sa September 27 hanggang October 4 sa Planet Sipangco, Tegucigalpa, Honduras.

Show comments