Ang tagumpay, na kasunod na 11-7 panalo ni Immonen kay Warren Kiamco ay nagtakda sa all-European showdown na may nakalaang $15,000 top prize na ibibigay ng nag-organisang ABS-CBN habang ang dalawang Pinoy naman ay maglalaban na lamang para sa ikatlong puwesto.
Dalawang mintis na tira, isang walang kuwentang break sa ikalimang rack at maling cut shot sa 9th ang tumapos kay Reyes bagamat hindi naman ito sinamantala ni Souquet, na umiskor ng dalawa pa sa miscue upang kontrolin ang laban sa 6-3.
Kinailangan na lamang tapusin ni Souquet ang laban upang maka-paghiganti sa kanyang 5-7 kabiguan sa Pinoy sa elims at makipagharap kay Immonen na nagpakita rin ng impresibong panalo kontra kay Kiamco.
Matatag at mahinahon si Souquet na mabilis pinantayan ang 1-9 combination sa 13th rack ni Reyes ng kanyang sariling bersiyon na 1-9 combo sa sumunod na rack na nagpatahimik sa manonood.
Ang bakbakan ngayong gabi ay race-to-13 na nakatakda sa alas-6 ng gabi kasunod ng race-to-11 bakbakan para sa ikatlong puwesto.
Nakalaan dito ang premyong nagkakahala-ga ng $15,000 para sa kampeon habang tatanggap naman ng $10,000 ang runner-up.
Ang third at fourth finishers ay magbubulsa naman ng $5,000 at $3,000 ayon sa pagkakasunod.
"This is the right time to prepare for the world championship," ani Immonen matapos ang panalo, kung saan tinutukoy nito ang Cardiff game na nakatakdang magsimula sa susunod na linggo na lalahukan ng mga pinakamahuhusay na players sa daigdig kabilang na si Efren Bata Reyes na magtatangka para sa prestihiyosong korona.