Purefoods yuko sa Shell

Kinubra ng Shell Velocity ang unang panalo sa karera ng limang koponang naglalaban-laban para sa huling Asian Invitationals matapos ang 82-73 panalo kontra sa Purefoods sa pagsisimula ng Mabuhay Cup sa Araneta Coliseum kaha-pon

Sumandal ang Shell kina Tony dela Cruz at Rensy Bajar sa paghataw ng Shell sa first half kung saan ginamit nila ang 15-0 run upang kumawala at di na lumingon pa.Sa iba pang balita, ipinatawag naman si Sta. Lucia coach Alfrancis Chua ni PBA Commissioner Noli Eala nang kanyang sugurin ang isang fan sa kanilang nakaraang battle for third place laban sa Alaska noong Miyerkules.

Hindi na nakapagpigil si Chua dahil sa pang-aasar ng fan dahil walang tigil sa pambubuska ang huli.

Gayunpaman, hindi ito napatawan ng mabigat na parusa makaraang mapag-alaman ng Commissioner’s Office sa isang imbestigasyon na sa semis pa lamang ay nag-aasar na ang naturang fan.

Inaasahang mapapatawan naman ng one-game suspension si Allan Yu ng Sta. Lucia dahil sa kanyang isang flagrant foul laban kay John Arigo.

Tila wala sa kundisyon ang Purefoods nang iwanan ito ng 17-puntos ng Shell sa 47-30 sa pagtatapos ng first half.

Mula sa 20-16 humataw ng 11 puntos si Tony dela Cruz para makalayo ng husto ang Turbo Chargers.

Kasama ng Ginebra at Sta. Lucia ang Shell, Purefoods at Alaska sa single round tournament na ito kung saan ang top team ay papasok sa 2nd Conference Asian Invitationals.

Nakakuha ng automatic slot sa susunod na kumperensiya ang Red Bull, San Miguel, FedEx, Talk N Text at Coca-Cola kung saan inimbitahan ang China, South Korea at Yugoslavia.

Ang ika-10 team ay ang RP team na naghahanda para sa Southeast Asian Games na gaganapin sa Vietnam sa Disyembre.

Kasalukuyang naglalaban ang Talk N Text at Coca-Cola sa Game-Two ng kanilang Samsung PBA All-Filipino Cup titular showdown.

Samantala, pinagkaguluhan ang customized passenger jeepney na pagmamay-ari ni Purefoods center Andy Seigle.

Mala-kotse ang interior ng jeep na pina-aircon ni Seigle na kanyang gamit na sasakyan patungo sa venue.

Show comments