Si Go, kilalang sports leader dahil sa kanyang mga pagbatikos sa mga kapwa niya sports leader, ay binaril ng hindi pa nakikilalang suspek at hindi malamang motibo sa harap ng PATAFA office, kahapon ng umaga.
Hanggang sa sinusulat ang balitang ito, wala pa ring nakukuhang impormasyon kung sino ang bumaril at kung ano ang motibo sa pagkakabaril kay Go dahil wala namang nakakaalam kung may matinding nakakaaway ito.
"Maagang pumapasok sa kanyang opisina si Mr. Go. Madalas nga nasa labas lang iyan at nakikipagbiruan pa sa mga atletang pumapasok at nagsasanay ng maaga," pahayag ni Arsenic Lacson, media officer ng Philippine Sports Com-mission.
"Wala naman kaming alam na kaaway yan at friendly din siya at masayahin," ani pa ni Lacson
Ang kanyang pagiging malapit sa mga atleta ay nagdulot ng maganda para kay GTK dahil sila din ang unang nagdala sa kontrobersiyal na pinuno ng athletics sa ospital.
Tatlong miyembro ng judo national pool -- sina Jansen Benjamin at ang magkapatid na Christopher Lucero at Aris Lucero ang sumaklolo kay Go.
Agad namang pinuntahan ni POC president Celso Dayrit si Go sa Ospital ng Maynila.
"We are saddened by this unexpected, unacceptable tragic incident on a sports leader like Mr. Go. We hope for his speedy recovery," ani Dayrit.
Ang nangyari kay GTK ay hindi maganda para sa sports lalo nat sa kasalukuyan ay nasa mainit na paghahanda ang PATAFA para sa pagho-host ng Asian Championships sa Setyembre.
At sa katunayan, matagumpay na nakipag-negosasyon si GTK para sa television at sponsorship rights ng Asian Championships.
Sinabi naman ni Dayrit na handang tumulong ang POC sa magiging kailangan ng PATAFA para hindi magkaroon ng bulilyaso sa pagho-host ng bansa sa Asian Championships, na Enero pa lamang ay pinag-ukulan na ng panahon ni GTK.
"Whatever assistance the PATAFA, we will be there," wika pa ni Dayrit.
"Nagulat ako nang ibalita sa akin ang insidente," anaman ni PSC chairman Eric Buhain.
"Mabuti naman at ligtas na siya ," dagdag pa ni Buhain na agad na nag-utos ng mahigpit na seguridad sa kapaligiran ng Rizal Memorial Sports Complex.
"Hindi natin alam kung ano talaga ang nangyari. But beefing up the security will be an added task because this is a 12-hectare area being used by the public. We will have to be very strict from now on," dagdag pa niya,