Tinalo ni Dableo ang Indonesian IM na si Irwanto sa ikasiyam at huling round at ang pagkakasungkit niya ng IM title ang naglapit sa 24-anyos Air Force player at coach ng UST womens chess team para sa GM title.
Umiskor si Dableo ng pitong puntos sa nine-round event na ito upang umusad sa world championship. Dominado ng Filipinos ang nasabing tournament kung saan sa pagtatapos ng laban ay pawang nagsipagtabla sina GM Joey Antonio at GM candidate Mark Paragua ay may tig 6.5 puntos.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang pinaglalabanan nina Paragua at Antonio ang ikalawang slot sa world championship.
Nakipag-draw si Antonio sa top seed na si Wu Shaobin, habang ginapi ni Paragua ang Indonesia IM na si Salor Sitanggang upang ipuwersa ang playoff.
Ang kampanya ni Dableo para sa kanyang inaasintang GM title ay hindi gaanong malakas dahil sa pagkawala ng ilang mahuhusay na Grandmaster sa Southeast Asian.
Ang panalo ay nagkaloob kay Dableo na mapasama na sa Zonals at SEAG. At dahil sa isang slot na lamang ang nalalabi sa Shell National Open, naungusan ni Dableo ang beteranong si Fernie Donguines upang makopo ang titulo at mapagkalooban ng biyahe sa Vietnam.