Kung babalikan natin ang kasaysayan ng PSC at POC mula noong 1990 (nang isabatas ang Philippine Sports Commission), ano na nga ba ang nagawa ng dalawa? Mahigit isang bilyong piso na ang nagugol sa sports ng ating bansa, subalit, sa kongkretong bagay, ano ba ang naiambag ng dalawa?
Wala tayong gintong medalya sa Olympics. Hindi pa tayo nakakapagpatayo ng isang Olympic-class sports complex. Hindi pa pangulo si Manuel L. Quezon nang itayo ang Rizal Memorial. At may gana pang mag-away ang PSC at POC?
Nang ilikha ni dating senador at ngayo'y Kalihim Joey Lina ang PSC, ang pangarap niya'y dito magkakaroon ng direksyon ang Philippine sports. Sa halip, naging hingian lamang ng pera ng POC at mga national sports associations. Ang masakit pa nito, panay ang porma sa harap ng media ng namumuno ng PSC, ang dating atletang si Eric Buhain. Hindi kaya naisip ni Ginoong Buhain na hindi karapat-dapat maipaskil ang mukha niya sa mga poster, banner at billboard para sa mga fund-raising event para sa mga kasalukuyang atleta? Bakit nga ba niya pinipilit ang madla na sakyan ang mga dati niyang kumikinang na tagumpay? At bakit ilan sa kanyang mga tauhan diumano ay nagbibigay-babala sa ilang coach at atleta na huwag kausapin ang ilang miyembro ng media na hindi daw malapit sa kanya, kabilang ang Pilipino Star Ngayon? Di kaya pulitika?
Sa panig naman ng POC, aling mga sport ba ang tinutulungan nito talaga?
Nauubos din ang atensyon nito sa mga sport tulad ng ballroom dancing, na inalis sa listahan ng mga aplikante sa Olympics noong nakaraang taon. At di ba ang pangangampanya para sa pagiging POC president ng ugat ng away nila Tiny Literal at Lito Puyat, na nagresulta sa kahiya-hiyang pagkawala natin sa Asian Basketball Confederation? Dapat siguro maglinis muna ng bakuran ang POC. Marangal ang kanilang ginawang Olympism Awards nitong nakaraang linggo.
Pero ano ba talaga ang programa nito para palawigin ang Olympic movement?
At ngayon, may dahilan na sila para lumagapak na naman sa SEA Games: ang walang-katuturang sisihan at bangayan. Tigilan na sana nila. Nasasayang lang ang pera ng bayan, at pawis ng mga magigiting nating atleta.