Matapos lumamang ang Tigers ng 24 puntos, naglaho ito nang makadikit ang Sta. Lucia sa 93-95 sa tulong ni Kenneth Duremdes, na nagbalik aksiyon na, matapos nitong ma-tip in ang nag-mintis na tres ni Francis Adriano, 52 segundo na lamang ang nalalabi.
Hindi naka-iskor sa dalawang sunod na posesyon ang Sta. Lucia nang pumaltos ang layup ni Adriano at ang dalawang sunod na attempts ni Dennis Espino.
Na-split naman nina Jeffrey Cariaso at Poch Juino ang kanilang free-throws upang iposte ang 97-93 kalamangan, 25 segundo ang natitira sa orasan.
Tuluyang isinelyo ni Rudy Hatfield ang final score na nagkaloob sa Tigers ng 3-1 panalo-talo sa best-of-five semis series at nagluklok sa kanila para sa best-of-seven titular showdown.
Makakalaban ng Tigers ang mananalo sa pagitan ng Talk N Text Phone Pals at Alaska Aces na kasalukuyang naglalaban pa habang sinusulat ang balitang ito.
Humulagpos ang Tigers sa ikatlong period para palobohin ang 50-42 bentahe sa halftime sa 24 puntos, 82-58 sa pagtatapos ng third quarter.
Sa yugtong ito humataw si Rob Wainwright ng 11 puntos sa kanyang tinapos na 18 puntos katulong sina Cariaso at Johnny Abarrientos na may pinagsamang 15 puntos.
Nabigo naman ang pagbabalik ni Duremdes mula sa injured calf muscle bagamat nagtala ito ng kabuuang 17 puntos sa laro.(Ulat ni Carmel V. Ochoa)